Ang Pahayag ni Zacarias
67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:
68 "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas
mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon
sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway
at sa lahat ng napopoot sa atin.
72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno,
at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73 na kanyang ipinangako sa ninuno nating si Abraham.
74 Ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway
upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin
habang tayo ay nabubuhay."
76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,
"Ikaw naman, anak,
ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos,
dahil mauuna ka sa Panginoon
upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77 Ituturo mo sa kanyang mga mamamayan
kung paano sila maliligtas
sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Diyos,
ipapadala niya mula sa itaas ang Tagapagligtas
tulad ng pagsikat ng araw,
79 upang tanglawan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.
At tayoʼy patnubayan sa daan ng kapayapaan."