22 Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, "Kaya huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong susuotin. 23 Dahil ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon sa mga bodega, pero pinakakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit kaunti sa pamamagitan ng pag-aalala? 26 Kaya kung hindi ninyo kayang gawin ang ganyang kaliit na bagay, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay?
27 "Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o gumagawa ng maisusuot nila. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng mga bulaklak na iyon sa kabila ng kanyang karangyaan. 28 Kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabahala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo; huwag kayong mag-alala tungkol sa mga bagay na ito. 30 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo na hindi kumikilala sa Diyos. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Sa halip, pagsikapan muna ninyong gawin kung ano ang mahalaga sa kaharian ng Diyos at lahat ng mga pangangailangan ninyo ay ipagkakaloob niya.
Kayamanan sa Langit
(Mat. 6:19-21)
32 "Kayong mga alagad ko ay kaunti lang.12:32 Kayong mga alagad ko ay kaunti lang: Sa literal, munting kawan. Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.