Ang Talinghaga tungkol sa Malaking Handaan
15 Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Hesus, "Pinagpala ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Diyos!"
16 Kinuwentuhan siya ni Hesus ng ganito, "May isang taong naghanda ng isang malaking pagdiriwang, at nag-imbita siya ng marami. 17 Nang handa na ang lahat, inutusan niya ang mga alipin niya na sunduin ang mga inimbita at sabihin sa kanila, ‘Tayo na, handa na ang lahat.’
18 "Ngunit nagdahilan ang bawat naimbitahan. Sinabi ng isa, ‘Pasensya na. Nakabili ako ng lupa at kailangan kong puntahan at tingnan.’
19 "Sabi naman ng isa, ‘Nakabili kasi ako ng sampung bakang pang-araro, at gusto ko silang subukan. Pasensya na.’
20 "At sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako, kaya hindi ako makakadalo.’
21 "Kaya umuwi ang alipin, at ibinalita ang lahat sa amo niya. Nagalit ang amo at inutusan niyang muli ang alipin niya, ‘Sige, pumunta ka sa mga kalsada at mga eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay.’
22 "Nang matupad iyon ng alipin, bumalik siya sa amo niya at sinabi, ‘Nagawa ko na po ang iniutos ninyo, pero maluwag pa.’
23 "Kaya sinabi ng amo niya, ‘Pumunta ka sa mga kalsada at mga daan sa labas ng bayan at pilitin mong pumarito ang mga tao para mapuno ng panauhin ang bahay ko. 24 Tinitiyak ko sa inyo, wala ni isa sa mga una kong inimbitahan ang makakatikim ng handa ko.’ "