Ang Lalaking Mayaman at ang Kaharian ng Diyos
18 May isang pinuno ng mga Hudyo na nagtanong kay Hesus, "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?"
19 Sumagot si Hesus, "Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Diyos lang ang mabuti, wala nang iba! 20 Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’18:20 Exo. 20:12-16; Deu. 5:16-20."
21 Sumagot ang lalaki, "Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata."
22 Nang marinig iyon ni Hesus ay sinabi niya, "Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin."
23 Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya. 24 Nang makita ni Hesus na nalungkot siya,18:24 na nalungkot siya: Wala ito sa ilang manuskritong Griyego. sinabi niya, "Napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos."
26 Tinanong siya ng mga nakarinig nito, "Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?"
27 Sumagot si Hesus, "Ang imposible sa tao ay posible sa Diyos."
28 Sinabi ni Pedro, "Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo."
29 Sumagot si Hesus, "Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon."