Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin
11 Habang nakikinig ang mga tao, nagkuwento si Hesus sa kanila ng isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang kaharian ng Diyos. 12 Sinabi ni Hesus, "May isang maharlika na pumunta sa isang malayong lugar upang mahirang bilang hari, at pagkatapos ay babalik siya sa kanila. 13 Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera19:13 pera: Sa Griyego, mina. Ang isang mina ay katumbas ng humigit-kumulang sa tatlong buwang sahod.. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’
14 "Ngunit ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila.
15 "Ngunit ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa.
16 "Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’
17 "Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’
18 "Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo po sa akin ay tumubo ng lima.’
19 "Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’
20 "Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21 dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’19:21 inaani … itinanim: O kinukuha ninyo ang kita ng iba.
22 "Sinabi ng hari, ‘Masamáng alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito nang may tubo?’
24 "Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’
25 "Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’
26 "Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: Ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ "