13 Ipinatawag ni Pilato ang mga namamahalang pari, mga tagapamahala ng bayan at ang mga tao, 14 at sinabi sa kanila, "Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. 15 Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Hesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain." [ 17 Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.]23:17 Wala ang talatang ito sa ilang manuskrito.
18 Ngunit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, "Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!" 19 (Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.)
20 Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Hesus. 21 Ngunit patuloy ang pagsigaw ng mga tao, "Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!"
22 Sa ikatlong pagkakataon ay nagsalita si Pilato sa kanila, "Bakit, anong kasalanan ang ginawa niya? Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at saka palalayain!"
23 Ngunit lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. 24 Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Hesus. 25 At ayon din sa kahilingan nila, pinalaya niya si Barabas, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Ngunit ibinigay niya si Hesus sa kanila upang gawin ang gusto nila.