Nagpalayas si Hesus ng Demonyo
31 Mula sa Nazaret, pumunta si Hesus sa bayan ng Capernaum na sakop ng Galilea. Tuwing Araw ng Pamamahinga, nagtuturo siya sa sinagoga. 32 Namangha ang mga tao sa mga aral niya dahil may awtoridad ang mga salita niya.
33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasaniban ng demonyo. Sumigaw ito nang malakas, 34 "Ano ang pakay mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba para puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Diyos!"
35 Ngunit sinaway siya ni Hesus, "Tumahimik ka at lumabas sa kanya!" At sa harapan ng lahat, itinumba ng demonyo ang lalaki at saka umalis nang hindi niya ito sinasaktan.
36 Namangha ang mga tao at sinabi nila sa isaʼt isa, "Pambihira ang mga salita niya – may kapangyarihan at kakayahang magpalayas ng masasamáng espiritu, at sumusunod sila!" 37 Kaya kumalat ang balita tungkol kay Hesus sa bawat dako ng lupaing iyon.