20 Tumingin si Hesus sa mga alagad niya at sinabi,
"Pinagpala kayong mga mahihirap,
sapagkat kabilang kayo sa kaharian ng Diyos.
21 Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon,
sapagkat bubusugin kayo.
Pinagpala kayong mga umiiyak ngayon,
sapagkat tatawa kayo.
22 Pinagpala kayo kung kinamumuhian kayo ng mga tao,
kung itinatakwil at iniinsulto kayo,
at sinisiraan ang inyong pangalan
dahil sa pagsunod ninyo sa Anak ng Tao.
23 "Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta noon. Kaya kung gawin ito sa inyo, magalak kayo at lumukso sa tuwa, dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.
24 Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman,
sapagkat natamasa na ninyo ang inyong kasaganaan.
25 Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
sapagkat magugutom kayo.
Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
sapagkat magluluksa kayo at iiyak.
26 Kahabag-habag kayo kung pinupuri kayo ng lahat ng tao,
sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.