Pular para o conteúdo
Publicidade

Lucas 8

Ang Anak ni Jairo at ang Babaeng Dinudugo

40 Nang makabalik na sina Hesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41 May dumating naman na isang namumuno sa sinagoga, na ang pangalan ay Jairo. Lumuhod ito sa paanan ni Hesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42 dahil ang kaisa-isa niyang anak na babae, na mga labindalawang taóng gulang, ay naghihingalo na.

Habang papunta si Hesus sa bahay ni Jairo, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43 May isang babae roon na labindalawang taon nang dinudugo8:43 Sa ilang manuskrito, may dagdag na naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot. at hindi mapagaling ng kahit sino. 44 Nang makalapit siya sa likuran ni Hesus, hinipo niya ang laylayan ng damit ni Hesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo.

45 Nagtanong si Hesus, "Sino ang humawak sa akin?"

Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, "Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo."

46 Ngunit sinabi ni Hesus, "May humawak sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin."

47 Nang mapagtanto ng babae na hindi niya maililihim ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Hesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Hesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48 Sinabi sa kanya ni Hesus, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa."

49 Habang kausap pa ni Hesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairo na namumuno sa sinagoga. Sinabi niya kay Jairo, "Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro."

50 Nang marinig iyon ni Hesus, sinabi niya kay Jairo, "Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli."

51 Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at sa mga magulang ng bata. 52 Nag-iiyakan at humagulgol ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Hesus sa kanila, "Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang."

53 Ngunit pinagtawanan nila si Hesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Hinawakan ni Hesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, "Ineng, bumangon ka." 55 At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Hesus na pakainin ang bata. 56 Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Ngunit pinagbilinan sila ni Hesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Veja também