22 May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, "Sinasapian siya ni Satanas3:22 Satanas: Sa Griyego, Beelzebul. na pinuno ng mga demonyo. At sa pamamagitan nito, nakakapagpalayas siya ng mga demonyo."
23 Kaya tinawag ni Hesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga: "Paano naman palalayasin ni Satanas ang sarili niya? 24 Kung ang isang kaharian ay nagkakawatak-watak at naglalaban-laban, babagsak ito. 25 Ganoon din kapag nag-aaway-away ang isang sambahayan, magkakawatak-watak ito. 26 Kaya kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili at hati-hati ang mga kampon niya, babagsak din siya at iyon na ang kanyang katapusan. 27 Hindi makakapasok ang magnanakaw sa bahay ng isang malakas na tao, maliban kung gapusin niya muna ito. At kapag naigapos na niya, saka lang niya ito mananakawan. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan ng tao, at anumang masamáng sinasabi nila laban sa Anak ng Tao ay maaaring mapatawad. 29 Ngunit ang sinumang magsasalita ng kalapastanganan sa Banal na Espiritu ay hinding-hindi mapapatawad. Ang kasalanang ito ay mananatili sa kanya magpakailanman."
30 Sinabi iyon ni Hesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan, "Sinasapian siya ng masamáng espiritu."