Pinugutan si Juan na Tagapagbautismo
14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Hesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, "Siya si Juan na Tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakakagawa siya ng mga himala."
15 Ang sabi naman ng iba, "Siya si Elias." At may mga nagsasabi rin, "Siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon."
16 Ngunit nang mabalitaan ito ni Herodes, sinabi niya, "Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!"
17 Sapagkat ipinadakip noon ni Herodes si Juan, ipinagapos at ipinabilanggo. Ginawa niya ito dahil sa kagustuhan ni Herodias na kanyang pinakasalan at kinakasama bagamaʼt itoʼy asawa ng kapatid niyang si Felipe. 18 Palaging sinasabihan ni Juan si Herodes, "Labag sa Kautusan na agawin mo ang asawa ng iyong kapatid." 19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Subalit hindi niya ito magawa, 20 dahil takot si Herodes kay Juan at sinisikap niyang hindi ito mapahamak. Alam kasi ni Herodes na matuwid at mabuting tao si Juan. At kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21 Subalit dumating ang pagkakataong pinakahihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalo at iba pang mga tinitingalang tao roon. 22 Nang oras na ng handaan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya.
Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, "Hingin mo ang kahit na anoʼng gusto mo at ibibigay ko saʼyo."
23 At sumumpa pa siya, "Ibibigay ko ang anumang hingin mo, kahit kalahati pa ng kaharian ko."
24 Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, "Ano po ang hihingin ko?"
Sumagot ito, "Hingin mo ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo."
25 Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, "Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin, ngayon din, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado."
26 Labis itong ikinalungkot ng hari, ngunit dahil nangako siya sa harap ng kanyang mga bisita, hindi niya ito matanggihan. 27 Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang kawal upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang kawal sa bilangguan at pinugutan si Juan. 28 Inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ng mga alagad ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.