Pular para o conteúdo
Publicidade

Marcos 6

Pinakain ni Hesus ang Limang Libong Tao

30 Bumalik ang mga apostol na isinugo ni Hesus, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila. 31 Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, "Halikayo! Punta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga."

32 Sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa hindi mataong lugar. 33 Ngunit marami ang nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila ng mga ito, kaya nagtakbuhan ang mga tao, mula sa ibaʼt ibang bayan, sa pupuntahan nina Hesus at nauna pa silang dumating doon. 34 Nang bumaba si Hesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. Kayaʼt siyaʼy nagturo sa kanila ng maraming bagay.

35 Nang dapit-hapon na, lumapit kay Hesus ang mga alagad niya at sinabi, "Liblib ang lugar na ito at gumagabi na. 36 Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain."

37 Ngunit sinabi ni Hesus sa kanila, "Kayo ang magpakain sa kanila."

Sumagot sila, "Ibig po ba ninyong sabihin ay gagastos kami ng higit kalahating taóng sahod sa tinapay para may makain sila?"

38 Tinanong sila ni Hesus, "Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo."

Tiningnan nga nila, at sinabi kay Hesus, "Mayroon po tayong limang tinapay at dalawang isda."

39 Pagkatapos, inutusan sila ni Hesus na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya umupo nga sila nang pangkatan, may tig-iisang daan at may tiglilimampu. 41 Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang tinapay at ibinigay sa mga alagad niya para ipamahagi sa mga tao. Pinagpira-piraso niya rin ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Kumain silang lahat at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang natirang tinapay at isda ay nakapuno sila ng labindalawang kaing. 44 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay limang libo.

Veja também