Ang mga Nakapagpaparumi sa Tao
1 Isang araw, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating mula sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Hesus. 2 Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi sila naghugas sa tamang paraan bago kumain. 3 (Ang mga Hudyo, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hanggaʼt hindi nakakapaghugas ng kamay alinsunod sa kaugalian ng kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain pagkagaling nila sa palengke hanggaʼt hindi nila nagagawa ang seremonya ng paghuhugas.7:4 seremonya ng paghuhugas: Hinuhugasan ang bagay na nabili o naghuhugas ng kamay ang taong bumili. Marami pa silang mga kaugalian tulad ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.7:4 Sa ilang manuskrito, may dagdag na mga higaan.)
5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, "Bakit hindi namumuhay ayon sa kaugalian ng ating mga ninuno ang iyong mga alagad? Sa halip, kumakain silang marumi ang mga kamay."
6 Sinagot sila ni Hesus, "Mga pakitang-tao! Tama nga ang sinabi ni Propeta Isaias tungkol sa inyo nang sinulat niya:
‘Sa labi lamang ako iginagalang ng mga taong ito,
sapagkaʼt malayo sa akin ang kanilang mga puso.
7 Ang pagsamba nila sa akiʼy walang kabuluhan;
pawang tuntunin ng tao ang kanilang katuruan.’7:7 Isa. 29:13.
8 Ang mga utos ng Diyos ay inyong tinalikuran, at ang mga kaugalian ng tao ang inyong sinundan."
9 Sinabi pa niya, "Ang huhusay ninyong magpawalang-bisa ng mga utos ng Diyos para masunod ang sarili ninyong kaugalian. 10 Katulad na lang ng sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’7:10 Exo. 20:12; Deu. 5:16. at ‘Ang lumalapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’7:10 Exo. 21:17; Lev. 20:9. 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Diyos), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga kaugaliang ginawa nʼyo at ipinamana sa iba. At marami pa kayong ginagawang tulad nito."