17 May isang lalaki roon na sumagot, "Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki na sinasaniban ng masamang espiritu kaya hindi siya makapagsalita. 18 Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, itinutumba siya nito; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan. Nakiusap ako sa mga alagad nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, ngunit hindi po nila magawa."
19 Sinabi ni Hesus sa kanila, "Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan pa ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!"
20 Kaya dinala nila ang bata kay Hesus. Nang makita ng masamang espiritu si Hesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig.
21 Tinanong ni Hesus ang ama ng bata, "Kailan pa siya nagkaganyan?"
Sumagot ang ama, "Mula pa po sa pagkabata. 22 Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!"
23 Sinagot siya ni Hesus, "Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay posible sa taong may pananampalataya sa Diyos!"
24 Sumagot agad ang ama ng bata, "Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Tulungan nʼyo po akong lalo pang sumampalataya sa inyo!"
25 Nang makita ni Hesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamáng espiritu, at sinabi, "Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang papasok muli sa kanya!"
26 Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, "Patay na siya!" 27 Ngunit hinawakan ni Hesus ang kamay ng bata at ibinangon, at tumayo ang bata.