Publicidade

Oséias 2

1 "Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’ at ‘Kinaawaan.’

Pinarusahan at Pinanumbalik ang Israel

2 "Mga anak, pagsabihan ninyo

ang inyong ina,

sapagkat hindi na ako

ang kanyang asawa

nang akoʼy iniwan niya.

Pagsabihan ninyo siya

para itigil na niya

ang pangangalunya

at talikuran ang imoral

na pamumuhay niya.

3 Kung hindi,

huhubaran ko siyaʼt ilalantad,

gaya noong siya ay isinilang.

Gagawin ko siyang tigang

katulad ng disyerto o ilang,

at pababayaang mamatay sa uhaw.

4 At kayong mga anak niyaʼy

hindi ko kahahabagan,

dahil mga anak kayo ng babaeng bayaran.

5 Nakakahiya ang ginagawa

ng inang nagsilang sa inyo.

Sinabi pa niya,

‘Hahabulin ko ang mga lalaking

nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig,

telang lana at lino, langis, at inumin.’

6 Kaya babakuran ko siya

ng mga matitinik na halaman

upang hindi siya makalabas.

7 Habulin man niya ang kanyang mga lalaki,

hindi niya sila maaabutan.

Hahanapin niya sila

ngunit hindi niya rin makikita.

Pagkatapos, sasabihin niya,

‘Babalik na lang ako sa aking asawa

sapagkat higit na mabuti

ang kalagayan ko noon

sa piling niya kaysa sa ngayon.’

8 Hindi niya napagtanto

na ako ang nagbigay

sa kanya ng mga ito:

mga butil, bagong alak, at langis;

binigyan ko pa siya ng pilak at ginto.

Ngunit ibinigay niya

ang lahat ng ito

kay Baal na kanyang diyos-diyosan.

9 "Kaya pagdating ng tag-ani

ay babawiin ko ang mga butil

at ang bagong alak na aking ibinigay.

Babawiin ko rin ang mga telang lana

at linong ibinigay ko

na sanaʼy pantakip

sa kanyang kahubaran.

10 At ngayon,

ilalantad ko ang kanyang kahalayan

sa harap ng kanyang mga lalaki,

at walang makapagliligtas sa kanya

mula sa aking mga kamay.

11 Wawakasan ko na ang lahat

ng espesyal na Araw ng Pagsamba

na ginagawa niya taon-taon,

buwan-buwan, at linggo-linggo.

12 Sisirain ko ang mga ubasan niya

at mga puno ng igos

na ibinayad daw sa kanya

ng kanyang mga lalaki.

Gagawin ko itong parang gubat

at kakainin ng mga mababangis na hayop

sa gubat ang mga bunga nito.

13 Parurusahan ko siya

dahil may mga panahong

nagsusunog siya

ng mga insenso sa diyos-diyosang si Baal.

Nagsuot siya ng mga alahas

at humabol sa kanyang mga lalaki,

akoʼy kanyang kinalimutan,"

sabi ng Panginoon.

14 "Ngunit masdan mo,

siya ay aking susuyuin.

Dadalhin ko siya sa ilang

at dooʼy kakausapin ko nang malambing.

15 Ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan,

at ang Lambak ng Acor

ay gagawin kong daanan

na magpapaalala ng magandang kinabukasan.

At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya

noong panahon ng kanyang kabataan,

noong kinuha ko siya sa lupain ng Ehipto."

16 Sinabi ng Panginoon

sa mga Israelita,

"Sa araw ng inyong pagbabalik sa akin,

tatawagin na ninyo ako na inyong asawa

at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.. Ang Baal ay nangangahulugan din na "amo".

17 Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo

ang mga pangalan ni Baal.

18 Sa araw na iyon,

makikipagkasundo ako

sa lahat ng uri ng hayop

upang hindi nila kayo sasaktan.

Aalisin ko sa lupain ng Israel

ang lahat ng sandata

tulad ng mga pana at espada.

At dahil wala nang digmaan,

matutulog kayong ligtas at payapa.

19 Ituturing ko kayong asawa magpakailanman.

Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama.

Mamahalin ko kayo at kaaawaan.

20 Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili

nang buong katapatan,

at kikilalanin na ninyo ako

bilang Panginoon.

21 "Sa araw na iyon,

sasagutin ko

ang mga dalangin ninyo,"

sabi ng Panginoon.

"Magpapadala ako ng ulan

upang tumubo sa lupa

22 ang mga trigo, ubas,

at mga olibo

para sa inyo

na tinatawag na Jezreel.

23 Patitirahin ko kayo sa inyong lupain

bilang mga mamamayan ko.

Kaaawaan ko si Lo Ruhama,

at tatawagin kong aking mamamayan

si Lo Ami.

At sasabihin ninyong ako

ang inyong Diyos."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-16_06-50-08-