Publicidade

Oséias 5

Ang Hatol laban sa Israel

1 Sinabi pa ng Panginoon,

"Makinig kayo, kayong mga pari!

Dinggin ninyo ito, kayong mga Israelita,

pati na kayong nabibilang

sa sambahayan ng hari!

Ang hatol na ito laban sa inyo:

Kayo ay naging bitag sa Mizpa,

isang lambat na inihagis sa Tabor.

2 Nagrerebelde kayo sa akin

at gusto ninyong pumatay,

kaya didisiplinahin ko kayong lahat.

3 Alam ko ang lahat ng tungkol

sa inyong mga taga-Israel.

Wala kayong maililihim sa akin.

Sumasamba kayo sa mga diyos-diyosan

kaya naging marumi kayo.

4 "Ang inyong masasamang gawain

ang pumipigil sa inyo

upang magbalik-loob

sa akin na inyong Diyos.

Sapagkat nasa puso ninyo

ang espiritu

na nag-uudyok

sa inyong mangalunya

kapag sinasamba ninyo

ang mga diyos-diyosan,

at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon.

5 Ang pagmamataas ninyo

ay nagpapatunay

na dapat kayong parusahan.

At dahil sa mga kasalanan nʼyo,

mapapahamak kayo,

kayong mga taga-Israel

pati ang lahi ni Efraim

kasama ang mga taga-Juda.

6 Maghahandog kayo ng mga tupa,

mga kambing, at mga baka

sa paglapit ninyo sa Panginoon.

Ngunit hindi ninyo mararanasan

ang presensya ko

sapagkat itinakwil ko na kayo.

7 Nagtaksil kayo sa Panginoon,

dahil nagkaanak kayo sa labas.

Kaya lilipulin ko kayo

at sisirain ko ang lupain ninyo

sa loob lamang ng isang buwan.

8 "Hipan ninyo ang mga trumpeta

upang bigyang babala

ang mga tao

sa Gibea at Rama!

Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet-aven!

Magbantay kayo,

kayong mga mamamayan ng Benjamin.

9 Mawawasak ang Israel

sa araw ng pagpaparusa.

Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko

laban sa mga lahi ng Israel!

10 Ang mga pinuno ng Juda

ay katulad ng taong naglilipat ng muhon

dahil inagaw nila ang lupain ng Israel.

Kaya ibubuhos ko sa kanila

ang aking galit na tulad ng baha.

11 Ginigipit at winawasak ang Israel

dahil pinarurusahan ko siya.

Sapagkat patuloy siyang sumusunod

sa mga diyos-diyosan.

12 Sapagkat akoʼy tulad ng gamo-gamo

sa lahi ni Efraim,

tulad ng kalawang na sisira

sa sambahayan ni Juda.

13 "Nang makita ng mga taga-Israel

at taga-Juda

ang kanilang masamang kalagayan,

humingi ng tulong ang Israel

sa makapangyarihang hari ng Asiria.

Subalit hindi ito makakatulong

sa kanila.

14 Sapagkat sasalakayin kong gaya ng leon

ang Israel at ang Juda.

Ako mismo ang lilipol

sa kanila.

Dadalhin ko sila sa ibang bansa

at walang makapagliligtas sa kanila.

15 Pagkatapos, babalik ako

sa aking lungga

hanggang sa maparusahan sila

dahil sa kanilang mga kasalanan.

At sa gayoʼy hahanapin nila ako;

sa kanilang pagdurusa

ay lalapit sila sa akin."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-15_21-32-39-