1 Nag-usap-usap ang mga taga-Israel.
Sabi nila, "Halikayo!
Magbalik-loob tayo
sa Panginoon.
Sinaktan niya tayo,
ngunit siya rin
ang magpapagaling
sa atin.
2 Para tayong mga patay
na agad niyang bubuhayin.
Hindi magtatagal,
at ibabangon niya tayo
upang mamuhay
sa kanyang presensya.
3 Pagsikapan nating makilala
ang Panginoon.
Siyaʼy tiyak na darating,
kasing tiyak ng pagsikat ng araw.
Darating siyang parang ulan
na magdidilig sa mga lupain."
4 "O Israel at Juda,
ano ang gagawin ko sa inyo?
Ang pag-ibig ninyo sa akiʼy
parang ambon o hamog
sa umaga na madaling mawala.
5 Kaya nga binalaan ko kayo
sa pamamagitan ng mga propeta
na kayoʼy mapapahamak
at mamamatay.
Hahatulan ko kayo
na kasimbilis ng kidlat.
6 Sapagkat hindi ang inyong mga handog
ang nais ko,
kundi ang inyong pagmamahal.
Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako
bilang Diyos
kaysa sa mag-alay kayo
ng mga handog na sinusunog.
7 Ngunit tulad ni Adan,
sinira ninyo ang kasunduan natin.
Nagtaksil kayo sa akin diyan
sa inyong lugar.
8 Ang bayan ng Gilead
ay tirahan ng mga makasalanan
at nabahiran ng mga bakas
ng mga paang madudugo.
9 Ang inyong mga pari
ay parang mga tulisan na
nag-aabang ng kanilang mabibiktima.
Pumapatay sila sa daang patungo
sa Shekem,
at gumagawa ng maraming
nakakahiyang gawain.
10 Mga taga-Israel, kakila-kilabot
ang nakita ko sa inyo.
Sumasamba kayo
sa mga diyos-diyosan,
kaya naging marumi kayo.
11 "Kayo ring mga taga-Juda
ay nakatakda nang parusahan.
"Nais ko sanang ibalik
ang mabuting kalagayan
ng aking mga mamamayan."