1 Pumunta ang lahat ng mga Israelita kay David sa Hebron at sinabi, "Mga kamag-anak mo kami. 2 Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Diyos, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ "
3 Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Panginoon, at binuhusan nila ng langis ang ulo ni David bilang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.
4 Pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) upang lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon 5 ay nagsabi kay David, "Hindi kayo makakapasok dito." Ngunit sinakop nina David ang matatag na kuta ng Zion, na kalaunan ay tinawag na Lungsod ni David.
6 Sinabi ni David, "Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo." Si Joab na anak ni Zeruias ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.
7 Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. 8 Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. 9 Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoon ng mga Hukbo.
10 Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11 Ito ang listahan ng mga matatapang na tauhan ni David:
Si Jasobeam na Hacmonito, ang nangunguna sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng tatlong daang tao sa pamamagitan ng sibat niya.
12 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodo na mula sa angkan ni Aho. Isa rin siya sa tatlong matatapang na lalaki. 13 Isa siya sa mga sumáma kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas-damim. Doon sila napalaban sa taniman ng sebada at tumakas ang ibang mga Israelita. 14 Ngunit sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman. Ipinagtanggol nila ito at pinatay ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.
15 Isang araw, pumunta kay David ang tatlo sa tatlumpung pinuno ng kanyang mga mandirigma doon sa kuweba ng Adulam. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16 at naagaw nila ang Bethlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17 nauhaw siya. Sinabi niya, "Mabuti sana kung may kukuha ng tubig na maiinom para sa akin mula sa balon malapit sa pintuang-bayan ng Bethlehem." 18 Kaya palihim na pumasok ang tatlong magigiting na kawal sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang-bayan ng Bethlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Ngunit hindi ito ininom ni David, sa halip ay ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19 Sinabi niya, "O Diyos ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito." Kaya hindi ito ininom ni David.
Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong magigiting na kawal ni David.
20 Si Abisai na kapatid ni Joab ang pinuno ng Tatlo. Nakapatay siya ng tatlong daang Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong magigiting na kawal, 21 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa tatlumpu niyang kasama, siya ang naging kumander nila.
22 May isa pang matapang na lalaking ang pangalan ay Benaias. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Joiada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23 Pinatay din niya ang isang Ehipsiyong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Ehipsiyong ito ay sibat na mabigat at makapal, pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Ehipsiyo at ito rin ang ipinampatay sa kanya. 24 Ito ang mga ginawa ni Benaias na anak ni Joiada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong magigiting na kawal, 25 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang tatlumpung kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.
26 Ito ang mga magigiting na kawal ni David:
si Asahel na kapatid ni Joab,
si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem,
27 si Samot na taga-Harod,
si Helez na taga-Pelon,
28 si Ira na anak ni Iques na taga-Tekoa,
si Abiezer na taga-Anatot,
29 si Sibecai na taga-Husa,
si Ilai na taga-Aho,
30 si Maharai na taga-Netofa,
si Heled na anak ni Baana na taga-Netofa,
31 si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,
si Benaias na taga-Piraton,
32 si Hurai na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,
si Abiel na taga-Arba,
33 si Azmavet na taga-Baharum,
si Eliaba na taga-Saalbon,
34 ang mga anak ni Hasem na taga-Gizon,
si Jonatan na anak ni Sage na taga-Harar,
35 si Ahiam na anak ni Sacar na taga-Harar,
si Elifal na anak ni Ur,
36 si Hefer na taga-Mequera,
si Ahias na taga-Pelon,
37 si Hezro na taga-Carmel,
si Naarai na anak ni Ezbai,
38 si Joel na kapatid ni Natan,
si Mibhar na anak ni Hagri,
39 si Zelec na Amonita,
si Naharai na taga-Beerot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruias,
40 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,
41 si Urias na Heteo,
si Zabad na anak ni Ahlai,
42 si Adina na anak ni Siza na isang pinuno sa lahi ni Ruben kasama ng kanyang tatlumpung tauhan,
43 si Hanan na anak ni Maaca,
si Josafat na taga-Mitna,
44 si Uzias na taga-Asterot,
sina Sama at Jeiel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,
45 si Jediael na anak ni Simri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,
46 si Eliel, na taga-Mahava,
sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,
si Itma na taga-Moab,
47 sina Eliel, Obed, at Jasael na taga-Zoba.