1 Si Ruben ang panganay na anak ni Israel. Ngunit dahil dinungisan niya ang karangalan ng kanyang ama sa pakikipagtalik niya sa isa sa mga asawa nito, ang karapatan niya bilang panganay ay ibinigay sa mga anak ni Jose na kanyang kapatid. Kaya hindi siya inilista sa talaan ng lahi nila bilang panganay na anak. 2 Kahit mas makapangyarihan si Juda kaysa sa kanyang mga kapatid at ang pinuno ay nagmula sa kanyang lahi, ang karapatan ng pagkapanganay ay ibinigay kay Jose.
3 Ang mga lalaking anak ni Ruben na panganay ni Israel ay sina Hanoc, Falu, Hezron at Carmi.
4 Ang mga angkan ni Joel ay sina Semaias, Gog, Simei, 5 Mica, Reaias, Baal, 6 at Beera. Si Beera ang pinuno ng lahi ni Ruben nang binihag sila ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria.
7 Ang mga kamag-anak ni Beera na naitala sa talaan ng kanilang mga angkan ayon sa kanilang lahi ay si Jeiel na pinuno, si Zacarias, 8 at si Bela na anak ni Azaz na anak ni Sema at apo ni Joel. Ang lahi ni Ruben ay tumira mula sa Aroer hanggang sa Nebo at Baal-meon. 9 At dahil dumami ang kanilang hayop doon sa Gilead, tumira sila hanggang sa silangan, sa tabi ng ilang na papunta sa Ilog ng Eufrates.
10 Nang si Saul pa ang hari, nakipaglaban sila sa mga Hagreo at tinalo nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga tinitirhan ng mga Hagrita sa buong silangan ng Gilead.
11 Tumira ang lahi ni Gad sa lupain ng Bashan na kasunod ng lupain nina Ruben, hanggang sa Saleca. 12 Si Joel ang pinuno sa Bashan, ang sumunod sa kanya ay si Safam, pagkatapos ay sina Janai at Safat.
13 Ang kanilang mga kamag-anak ayon sa bawat pamilya ay sina Micael, Mesulam, Sheba, Jorai, Jacan, Zia at Heber, pito silang lahat. 14 Sila ang mga angkan ni Abihail na anak ni Huri. Si Huri ang anak ni Jaroa at apo ni Gilead, at apo sa tuhod ni Micael. Si Micael ay anak ni Jesisai at apo ni Jahdo, at apo sa tuhod ni Buz. 15 Si Ahi na anak ni Abdiel at apo ni Guni ang siyang pinuno ng kanilang pamilya.
16 Tumira sila sa Gilead doon sa Bashan at sa mga baryo sa paligid nito, at sa buong pastulan ng Saron. 17 Nailista silang lahat sa talaan ng mga angkan noong panahon ng paghahari ni Jotam sa Juda at ni Jeroboam sa Israel.
18 May 44,760 na sundalo sa mga lahi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lahi ni Manases. Sinanay sila para sa labanan at mahusay silang gumamit ng mga pananggalang, espada at pana. 19 Nakipaglaban sila sa mga Hagreo, Jetur, Nafis, at Nodab. 20 Humingi sila ng tulong sa Diyos nang nakipaglaban sila, at dahil nagtiwala sila sa kanya, tinugon ng Diyos ang panalangin nila. Kaya pinagtagumpay sila ng Diyos sa mga Hagreo at sa mga kakampi nito. 21 Pinagkukuha nila ang hayop ng mga Hagreo: limampung libong kamelyo, dalawandaan at limampung libong tupa at dalawang libong asno. Binihag din nila ang isang daang libong tao. 22 Marami silang napatay dahil tinulungan sila ng Diyos sa pakikipaglaban. Tinirhan nila ang mga lugar na ito hanggang sa mabihag sila ng ibang bansa.
23 Ang kalahating angkan ni Manases ay napakarami. Tumira sila sa mga lupain mula sa Bashan papunta sa Baal-hermon, Senir, at Bundok ng Hermon. At napakarami nila.
24 Ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya ay sina Efer, Isi, Eliel, Azriel, Jeremias, Hodavias at Jahdiel. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno ng mga pamilya nila. 25 Ngunit hindi sila naging tapat sa Diyos ng kanilang mga ninuno, sa halip sumamba sila sa mga diyos ng mga taong nilipol ng Diyos sa lupaing iyon. 26 Ito ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos ng Israel na lusubin sila ni Pul na hari ng Asiria (na siya ring si Tiglat-pileser). Binihag ni Pul ang mga lahi ni Ruben at Gad, pati na ang kalahating lahi ni Manases at dinala sa Hala, Habor, Hara, at sa Ilog ng Gozan, kung saan doon sila naninirahan hanggang ngayon.