Sa Corinto
1 Pagkatapos noon, umalis si Pablo sa Atenas at pumunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila na isang Hudyo na taga-Ponto, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italya, dahil may utos si Emperador Claudio na ang lahat ng Hudyo ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay. 3 Kapwa sila manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila.