6 Ngunit higit na dakila ang mga gawain ni Hesus bilang punong pari kaysa sa mga gawain ng mga pari, dahil siya ang tagapamagitan ng isang kasunduang higit na mabuti kaysa sa nauna. At nakasalalay ito sa mas mabubuting pangako ng Diyos.
7 Kung walang kakulangan ang unang kasunduan, hindi na sana kailangang palitan pa ng ikalawa. 8 Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng mga taong sumusunod sa unang kasunduan, kaya sinabi niya,
"Darating ang panahon, wika ng Panginoon,
na gagawa ako ng bagong kasunduan
sa mga taga-Israel at taga-Juda.
9 Ang kasunduang itoʼy hindi katulad
ng ginawa ko sa kanilang mga ninuno,
noong silaʼy inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto.
Hindi sila naging tapat sa aking kasunduan,
kayaʼt silaʼy aking tinalikuran,
wika ng Panginoon."
10 Sinabi pa ng Panginoon,
"Ito ang bagong kasunduan
na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel
pagdating ng araw na iyon:
Itatanim ko sa isipan nila ang mga kautusan ko,
at isusulat ko ang mga ito sa mga puso nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila naman ang magiging bayan ko.
11 Hindi na nila kailangan pang turuan
ang mga kababayan o kapatid nila
na kilalanin ang Panginoon.
Dahil kikilalanin nila akong lahat,
mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan
at kakalimutan ko na ang kanilang mga kasalanan."8:12 Jer. 31:31-34.
13 Nang sabihin ng Diyos na may bago nang kasunduan, malinaw na pinawalang-bisa na niya ang nauna, at ang anumang wala nang bisa at luma na ay mawawala na lamang.