Nanalangin si Hesus para sa mga Mananampalataya
20 "Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila, kundi pati na rin sa mga sasampalataya sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila. 21 Idinadalangin ko sa iyo, Ama, na silang lahat ay maging isa gaya natin. Kung paanong ikaw ay nasa akin at akoʼy nasa iyo, nawaʼy sila man ay sumaatin, upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Binigyan ko sila ng karangalan tulad ng ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 23 Akoʼy nasa kanila at ikaʼy nasa akin, upang silaʼy lubos na maging isa. Sa ganoon ay malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako, at malalaman din nilang minamahal mo ang mga mananampalataya tulad ng pagmamahal mo sa akin.