1 Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya,
2 "Magagalit ka ba
kung magsasalita ako?
Hindi ko na kayang manahimik.
3 Noon, pinapayuhan mo
ang maraming tao na
magtiwala sa Diyos,
at pinalalakas ang mahihina
at nanlulupaypay.
4 Ang mga salita moʼy
nagpalakas sa kanila
at umalalay sa mga nanghihina.
5 Ngunit ngayong ikaw na
ang dumaranas ng kahirapan,
tila ikaw ang nanghihina
at naguguluhan.
6 Hindi baʼt kapag
may takot ka sa Diyos
at namumuhay ka nang matuwid,
magdudulot ito sa iyo
ng tiwalaʼt pag-asa?
7 "Ngayon, isipin mong mabuti.
May tao bang matuwid
at walang kasalanan na napahamak?
8 Ayon sa aking nakitaʼt nalaman,
ang mga taong gumagawa
ng kasamaan at kaguluhan,
gayundin ang kanilang
kahahantungan.
9 Sa isang bugso lamang
ng galit ng Diyos,
mapapahamak sila.
10 Kahit na silaʼy tulad
ng malakas at mabangis na leon,
tatanggalin pa rin
ang kanilang mga ngipin.
11 Mamamatay ang leon
dahil wala siyang mahuli
at ang mga anak ng babaeng leon
ay magkakahiwa-hiwalay.
12 "May lihim na dumating sa akin,
nahagip ng aking pandinig
ang bulong na ito.
13 Sa gitna ng gabing puno
ng maliligalig na panaginip,
habang mahimbing ang lahat
sa pagkakaidlip,
14 binalot ako ng takot at nginig,
at ang mga buto koʼy nangatog.
15 May espiritung dumaan
sa aking harapan,
at tumindig ang mga balahibo
sa aking katawan.
16 Huminto ito, ngunit hindi ko
gaanong maaninag.
At may narinig akong mahinang tinig
na nagsasabi,
17 ‘Maaari bang maging matuwid
ang isang tao sa harapan ng Diyos?
May kakayahan ba ang isang taong
maging dalisay
sa harapan ng kanyang Manlilikha?
18 Kung mismong sa mga anghel
na lingkod niya
ay hindi siya lubusang nagtitiwala,
at nakakakita siya ng kamalian nila,
19 di lalo na sa taong nilikha lamang
mula sa lupa,
na madaling pisain
katulad ng gamo-gamo!
20 Ang taoʼy maaaring buháy pa sa umaga
ngunit kinagabihaʼy patay na
at hindi na makikita magpakailanman.
21 Para silang mga toldang bumagsak.
Namatay sila nang kulang
sa karunungan.’ "