1 Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na siyaʼy isinilang. 2 Sinabi niya,
3 "Isinusumpa ko ang araw
na akoʼy ipinanganak.
4 Naging madilim na lang sana
ang araw na iyon
at hindi na sinikatan ng araw.
Kinalimutan na lang sana
ng Diyos sa langit ang araw na iyon.
5 Nanatili na lang sana itong madilim
o natatakpan ng makapal na ulap,
at nilukuban na lang sana
ng kadiliman ang kaliwanagan.
6 Kinuha na lang sana ng kadiliman
ang gabing iyon nang akoʼy isilang,
at hindi na sana napabilang
sa kalendaryo.
7 Hindi na nga lang sana ako
ipinanganak ng gabing iyon,
at wala rin sanang kasiyahan noon.
8 Sumpain nawa ang gabing iyon
ng mga manunumpa na nakakaalam
kung paano pakilusin ang Leviatan.
9 Hindi na sana sumikat ang tala
sa umaga ng araw na iyon,
at hindi na sana dumating
ang bukang-liwayway.
10 Isinusumpa ko ang araw na iyon
dahil hindi niya pinigilan
ang pagsilang sa akin,
nang hindi ko na sana naranasan
ang ganitong paghihirap.
11 "Mabuti pang namatay na lang ako
sa sinapupunan ng aking ina.
12 Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina?
13 Kung namatay na sana ako noon,
tahimik na sana ako ngayon,
natutulog at nagpapahinga
14 kasama ng mga hari
at mga pinuno ng mundo
na nagtayo ng mga palasyo
na giba na ngayon.
15 Nagpapahinga na rin sana ako
kasama ng mga pinuno
na ang mga tahanan ay puno
ng mga gintoʼt pilak.
16 Mas mabuti pang akoʼy naging katulad
ng mga batang patay na
nang ipinanganak
at hindi na nakakita ng liwanag.
17 Doon sa lugar ng mga patay,
ang masama ay hindi na gumagawa
ng kasamaan
at ang mga pagod
ay nagpapahinga na.
18 Doon, ang mga bihag
ay nagpapahinga rin
at hindi na nila naririnig ang sigaw
ng taong pumipilit sa kanila
na magtrabaho.
19 Naroon ang lahat ng uri ng tao,
tanyag man o hindi.
At ang mga alipin ay malaya na
sa kanilang amo.
20 "Bakit pa pinapayagang mabuhay
ang taong nagtitiis at nagdurusa?
21 Hinahangad nilang mamatay
ngunit hindi naman nangyayari.
Inaasam nila ang kamatayan
nang higit pa sa nakatagong kayamanan.
22 Mas sasaya sila kapag
namatay na at nailibing.
23 Bakit kaya niloob pa ng Diyos
na mabuhay ang tao
nang hindi man lamang pinapaalam
ang kanyang kahahantungan?
24 Hindi ako makakain
dahil sa labis na pagdaramdam
at walang tigil ang aking pagdaing.
25 Ang kinatatakutan ko
ay dumating sa akin.
Ang inaalala ko
ay nangyari sa akin.
26 Wala akong kapayapaan
at katahimikan.
Wala akong kapahingahan,
pawang kabagabagan
ang aking nararanasan."