Publicidade

Jó 31

1 "Ipinangako ko sa aking sarili

na hinding-hindi ako titingin

nang may pagnanasa sa isang dalaga.

2 Sapagkat anong igaganti

ng Diyos na Makapangyarihan na nasa langit

sa mga ginagawa ng tao?

3 Hindi baʼt kapahamakan at kasawian

para sa mga gumagawa ng kasamaan?

4 Alam ng Diyos ang lahat ng aking ginagawa.

5 "Kung nagsinungaling man ako at nandaya,

6 hahayaan kong hatulan ako ng Diyos,

dahil siya ang nakakaalam

na wala akong kasalanan.

7 Kung hindi ako sumunod sa tamang daan,

o kung sinunod ko ang nais ng aking mata,

at dinungisan ko ang aking sarili,

8 masira nawa ang aking mga pananim

o di kayaʼy pakinabangan ng iba.

9 "Kung naakit ako ng ibang babae

o napaibig sa asawa ng aking kapwa,

10 kunin nawa at sipingan

ng ibang lalaki ang asawa ko.

11 Sapagkat ang pangangalunya

ay kasalanang nakakahiya,

at dapat na parusahan ang taong

ganyan ang ginagawa.

12 Iyan ay parang mapamuksang apoy

na uubos sa lahat ng aking kabuhayan.

13 "Kung hindi ko pinahalagahan

ang karapatan ng aking alipin

nang dumaing sila sa akin,

14 anong gagawin ko

kung hatulan ako ng Diyos?

Ano ang aking isasagot kung tanungin niya ako?

15 Hindi baʼt ang Diyos na lumikha sa akin

ang siya ring Diyos na lumikha

sa aking mga alipin?

16 "Pinagkaitan ko ba ng tulong ang mga mahihirap

o hinayaan kong mawalan ng pag-asa

ang mga biyuda?

17 Ipinagtago ko ba ng pagkain

ang aking sarili

at hindi nagbigay sa mga ulila?

18 Ngunit mula pa noong kabataan ko,

tumutulong na ako sa mga ulila,

at sa buong buhay ko

hindi ko pinabayaan ang mga biyuda.

19 Kapag nakakita ako ng taong

nahihirapan sa lamig

dahil kapos siya sa damit,

20 binibigyan ko siya ng damit pangginaw

na yari sa balahibo ng aking mga tupa.

At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin.

21 Kung pinagbuhatan ko ng kamay

ang mga ulila,

dahil alam kong malakas ako sa hukuman,

22 maputol sana ang mga braso ko.

23 Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan

dahil natatakot ako sa parusa

at kapangyarihan ng Diyos.

24 "Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan.

25 Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko

at lahat ng aking ari-arian.

26 Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang.

27 Ang puso koʼy hindi nahikayat

na sumamba sa mga ito.

28 Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito,

dapat akong parusahan

dahil nagtaksil ako sa Diyos na nasa langit.

29 "Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan

ng aking kaaway

o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan.

30 Hindi ako nagkasala

sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila.

31 Alam ng aking mga kasambahay

na pinapakain ko ang lahat

kahit na ang mga dayuhan.

32 Hindi ko pinabayaang matulog

kahit saan ang mga dayuhan,

dahil palaging bukas ang pintuan

ng aking tahanan

para sa kanila.

33 Hindi ko itinatago ang aking kasalanan

katulad ng ginagawa ng ibang tao.

34 Hindi ako tumahimik o nagtago

dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.

35 "Kung mayroon lang sanang

makikinig ng panig ko,

nakahanda akong lumagda

upang patunayan na wala akong kasalanan.

Kung may reklamo ang Makapangyarihan

laban sa akin,

ipapakiusap ko sa kanyang

sabihin niya ito sa akin

o kayaʼy isulat na lang.

36 At ikakabit ko ito sa aking balikat

o sa ulo ko na parang korona.

37 Iuulat ko sa kanya

ang bawat hakbang ko.

Haharap ako sa kanya

katulad ng isang pinuno.

38 "Kung inaabuso ko ang aking lupain,

o kinamkam ko ito sa iba,

39 o kung pinasama ko ang loob

ng mga manggagawa sa aking lupain

dahil kinuha ko ang kanilang ani

nang walang bayad,

40 tumubo nawa sa lupain ko

ang mga matitinik na halaman

at mga damo sa halip na trigo at sebada."

Dito natapos ang mga sinabi ni Job.

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-