Publicidade

Jó 33

1 "Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti

ang sasabihin ko sa iyo.

2 Handang-handa na akong magsalita,

at ang mga sasabihin koʼy

nasa dulo na ng aking dila.

3 Ang sasabihin koʼy

mula sa tapat kong puso

at tuwiran kong sasabihin

ang aking nalalaman.

4 Ang espiritu ng Diyos na Makapangyarihan

ang gumawa sa akin at nagbigay buhay.

5 Sagutin mo ako,

kung kaya mo.

Ihanda mo ang iyong katuwiran

at harapin ako.

6 Pareho lang tayo sa harapan ng Diyos.

Tulad mo rin akong nagmula sa lupa.

7 Kaya huwag kang matakot sa akin

at huwag mong isipin na aapihin kita.

8 "Ito ang mga narinig

kong sinabi mo:

9 ‘Wala akong kasalanan.

Malinis ako at walang ginawang masama.

10 Ngunit naghahanap ang Diyos ng dahilan

upang akoʼy pahirapan.

Itinuturing niya

akong kaaway.

11 Kinadenahan niya

ang aking mga paa

at binabantayan ang lahat ng aking kilos.’

12 "Ngunit Job, mali ka

sa mga sinabi mo.

Hindi baʼt ang Diyos

ay higit kaysa sa tao?

13 Bakit mo siya pinararatangan

na hindi niya sinasagot

ang daing ng tao?

14 Ang totoo, palaging nagsasalita ang Diyos,

kaya lang hindi nakikinig ang mga tao.

15 Sa panaginip o sa pangitain,

habang ang mga taoʼy natutulog

nang mahimbing,

habang silaʼy nagpapahinga

sa kanilang mga higaan,

16 bumubulong siya sa kanilang mga tainga

upang magbigay ng babala,

at ito ang nakapagpatakot sa kanila.

17 Ginagawa niya ito upang pigilan ang mga tao

sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas,

18 at upang mailigtas sila sa libingan

at hindi mamatay sa talim ng tabak.

19 "Kung minsan naman,

itinutuwid ng Diyos ang tao

sa pamamagitan ng sakit

tulad ng walang tigil na pananakit ng buto,

20 kaya nandidiri siya sa pagkain,

at kahit ang pinakamasasarap na handa

ay kinasusuklaman niya.

21 Kaya pumapayat siya,

at nagiging butoʼt balat na lamang.

22 Malapit na siyang mamatay

at mapunta sa lugar ng mga patay.

23 Ngunit kung may anghel sa tabi niya,

isang tagapamagitan, isa sa isang libo

upang sabihin sa tao

kung paano maging matuwid,

24 kahahabagan siya ng Diyos.

At sasabihin niya

‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan.

Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’

25 Muli siyang magiging malusog.

Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan.

26 At kapag nanalangin siya sa Diyos,

sasagutin siya ng Diyos

at masayang tatanggapin,

ibabalik ng Diyos

ang matuwid niyang pamumuhay.

27 Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao,

‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama,

ngunit hindi ko natanggap

ang parusang nararapat sa akin.

28 Iniligtas niya ako sa kamatayan

at patuloy akong nabubuhay.’

29 "Oo, ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito

nang paulit-ulit para sa tao.

30 Inililigtas niya ang tao sa kamatayan

upang mabuhay ito.

31 "Job, pakinggan mo akong mabuti.

Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita.

32 Kung may gusto kang sabihin,

sabihin mo, sapagkat nais kong malaman

kung wala ka talagang kasalanan.

33 Ngunit kung wala ka namang sasabihin,

tumahimik ka na lang

at makinig sa aking karunungan."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-