1 Kinalaunan, tumigil na ang tatlong lalakeng ito sa pagsagot kay Job, dahil ipinipilit niya na wala siyang kasalanan.
2 May isang tao roon na ang pangalan ay Elihu. Anak siya ni Baraquel na isang Buzita. Mula siya sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job dahil sinisisi nito ang Diyos, sa halip na ang kanyang sarili. 3 Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Diyos ang may kasalanan. 4 At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job. 5 Ngunit nang wala nang masabi ang tatlo, nagalit siya.
6 Kaya sinabi ni Elihu na anak ni Baraquel na taga-Buzita,
"Bata pa ako at kayoʼy matatanda na,
kaya nag-aatubili akong magsalita.
Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo
tungkol sa nalalaman ko.
7 Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo
dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman.
8 Ngunit ang totoo, ang espiritu
ng Makapangyarihan na nasa tao,
ang siyang nagbibigay ng pang-unawa.
9 Ang katandaan ay hindi garantiya
ng karunungan at kaalaman
kung ano ang tama.
10 "Kaya pakinggan ninyo ako.
Sasabihin ko ang nalalaman ko.
11 Naghintay ako habang iniisip ninyo
kung ano ang nararapat ninyong sabihin.
Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran.
12 Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ninyo,
ngunit ni isa sa inyoʼy walang nakapagpatunay
na nagkasala si Job;
ni hindi ninyo nasagot
ang mga pangangatwiran niya.
13 Huwag ninyong sasabihing,
‘Napag-alaman naming
mas marunong siya.
Hayaan ninyong ang Diyos
ang sumagot sa kanya
at hindi ang tao!’
14 Kung sa akin siya nakipagtalo,
hindi ko siya sasagutin
na katulad ng mga sinabi ninyo.
15 "Hindi na kayo makakibo ngayon
at wala nang maisagot sa kanya.
16 At ngayong wala na kayong maisagot,
kailangan ko pa bang maghintay?
17 Ako rin ay may sasabihin ayon
sa nalalaman ko.
18 Dahil marami akong gustong sabihin,
at hindi ko na talaga ito mapigilan.
19 Para akong bagong sisidlang-balat
na punong-puno at malapit nang sumabog.
20 Kinakailangan kong magsalita
upang gumaan ang pakiramdam ko.
21 Hindi ako papanig sa kahit kanino,
ni magbigay papuri sa sinumang tao,
22 sapagkat kung akoʼy mahusay mambola,
akoʼy tiyak na pupuksain ng aking Manlilikha.