Publicidade

Jó 14

1 "Ang buhay ng tao ay maikli lamang

at puno ng kahirapan.

2 Ang katulad nito ay isang bulaklak,

namumukadkad ngunit agad nalalanta.

Katulad din ito ng aninong biglang nawawala.

3 Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan

nang ganito ang tao?

Gusto nʼyo pa ba siyang hatulan

sa inyong hukuman?

4 Mayroon bang dalisay

na sa marumi magmumula?

Wala!

5 Sa simula paʼy itinakda nʼyo na

kung gaano kahaba ang itatagal

ng buhay ng isang tao.

At hindi siya lalampas

sa itinakda nʼyong oras sa kanya.

6 Kaya hayaan nʼyo na lamang siya

upang makapagpahinga naman siya

katulad ng isang manggagawa

pagkatapos magtrabaho.

7 "Kapag pinutol ang isang puno,

may pag-asa pa itong mabuhay

at tumubong muli.

8 Kahit na matanda na ang ugat nito

at patay na ang tuod,

9 itoʼy uusbong kapag nadiligan,

at magkakasibol tulad ng bagong halaman.

10 Ngunit kapag ang taoʼy namatay,

mawawala na ang lakas niya.

Pagkalagot ng hininga niya,

iyon na ang katapusan niya.

11 Kung papaanong bumababa

ang tubig sa dagat

at natutuyo ang mga ilog,

12 gayon din naman, ang taoʼy namamatay

at hindi na makakabangon pa

o magigising sa kanyang pagkakatulog

hanggang sa maglaho ang langit.

13 "Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako

sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala

ang galit nʼyo sa akin,

at saka nʼyo ako alalahanin

sa inyong itinakdang panahon.

14 Kung mamatay ang tao,

mabubuhay pa kaya ito?

Kung ganoon, titiisin ko

ang lahat ng paghihirap na ito

hanggang sa dumating ang oras

na matapos ito.

15 At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon,

sasagot ako,

at kasasabikan nʼyo ako

na inyong nilikha.

16 Sa mga araw na iyon,

babantayan nʼyo pa rin

ang aking mga ginagawa,

ngunit hindi nʼyo na aalalahanin pa

ang aking mga kasalanan.

17 Ang aking mga kasalanaʼy

ipinasok sa sisidlan

ang masasama kong gawaʼy

inyong tinakpan.

18 "Ngunit kung papaanong

gumuguho ang mga bundok

at nahuhulog ang mga bato

mula sa kanilang kinalalagyan,

19 at kung paanong nagiging manipis ang bato

sa patuloy na pag-agos ng tubig,

at gumuguho ang lupa

dahil sa malakas na ulan,

ganyan nʼyo rin sinisira

ang pag-asa ng tao.

20 Nilulupig nʼyo siyang lagi

at namamatay siya,

at binabago nʼyo ang mukha niya

kapag patay na siya.

21 Hindi na niya malalaman

kung ang mga anak niyaʼy nagtamo

ng karangalan o kahihiyan.

22 Ang tanging madarama na lamang niya

ay ang sarili niyang paghihirap

at kalungkutan."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-18_14-04-22-