1 Sumagot si Job,
2 "Ang akala mo baʼy natulungan mo
ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina?
3 Ang akala mo baʼy napayuhan mo
ang kapos sa karunungan
sa pamamagitan ng iyong karunungan?
4 Saan ba nanggaling
ang mga sinasabi mong iyan?
Sinong espiritu ang nagturo sa iyo
na sabihin iyan?
5 "Nanginginig sa takot ang mga patay
sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig.
6 Lantad sa paningin ng Diyos
ang lugar ng mga patay.
Hindi maitatago ang lugar ng kapahamakan.
7 Inilatag ng Diyos ang kalawakan sa hilaga
at ibinitin ang mundo sa kawalan.
8 Ibinabalot niya ang ulan
sa makakapal na ulap,
ngunit hindi ito napupunit
gaano man kabigat.
9 Tinatakpan niya ng makapal na ulap
ang bilog na buwan.
10 Nilagyan niya ng hangganan
ang langit at dagat
na parang hangganan din
ng liwanag at dilim.
11 Sa pagsaway niya
ay nayayanig ang mga haligi ng langit.
12 Sa kanyang kapangyarihan
ay pinaaalon niya ang dagat;
sa kanyang karunungan
ay tinalo niya si Rahab.
13 Sa pamamagitan ng pag-ihip niya
ay umaaliwalas ang langit,
at sa kanyang kapangyarihan
pinatay niya ang gumagapang na ahas.
14 Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya.
Parang isang bulong lang
na ating napakinggan.
Sino ngayon ang makakaunawa
sa kapangyarihan ng Diyos?"