Publicidade

Jó 38

Nagsalita ang Panginoon

1 Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipuipo, sinabi niya,

2 "Sino itong nag-aalinlangan

sa aking karunungan?

At nagsasalita ng pawang kamangmangan.

3 Humanda ka.

Sagutin mo ang aking mga tanong.

4 "Nasaan ka noong itinatag ko

ang pundasyon ng daigdig?

Sabihin mo kung iyong nauunawaan.

5 Alam mo ba kung sino ang nagpasya

ng magiging lawak ng pundasyon

at sukat nito?

6 Sino ang may hawak

ng pundasyon ng mundo?

At sino ang naglagay ng pundasyon na ito

7 habang sama-samang umaawit

ang mga bituin sa umaga

at nagsisigawan sa tuwa

ang lahat ng anghel?

8 "Sino ang naglagay ng hangganan sa dagat

nang bumulwak ito mula sa kailaliman?

9 Ako ang naglagay ng makapal na ulap

at kadiliman bilang takip ng dagat.

10 Itinakda ko ang hangganan ang dagat;

parang pintuang isinara

at nilagyan ng tarangka.

11 Sinabihan ko ang dagat,

‘Hanggang dito ka lang

at huwag kang lalampas;

hanggang dito lang ang malalaki mong alon.’

12 "Nautusan mo na ba

ang umaga na magliwanag,

o ituro sa bukang-liwayway

kung saan siya sisikat?

13 Nagawa mo na bang ikalat

ang liwanag ng araw sa buong mundo

para mapatigil ang kasamaang

ginagawa kapag madilim?

14 At dahil sa sikat ng araw,

ang daigdig ay malinaw na nakikita

katulad ng marka ng pantatak

at lukot ng damit.

15 Ang liwanag ay nakakapigil sa masasama,

dahil hindi sila makakagawa

ng karahasan sa iba.

16 "Ikaw baʼy nakapunta na sa mga bukal

na nasa ilalim ng dagat

o sa pinakamalalim na bahagi ng dagat?

17 Naipakita na ba sa iyo

ang mga pintuang patungo

sa lugar ng mga patay?

18 Alam mo ba kung gaano kalaki

itong mundo?

Sabihin mo sa akin

kung alam mo ang lahat ng ito!

19 "Saan ang daan patungo

sa tahanan ng liwanag?

Saan ang tahanan ng kadiliman?

20 Madadala mo ba sila

sa kanilang pinanggalingan?

Alam mo ba ang daan

patungo sa kanilang tahanan?

21 Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito

dahil ipinanganak ka na

bago pa likhain ang mga ito

at matagal na panahon ka nang nabubuhay!

22 "Nakapunta ka na ba

sa lugar na pinanggagalingan

ng nyebe o ulan na yelo?

23 Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko

para sa panahon ng kaguluhan at digmaan.

24 Alam mo kung saan nagmumula ang kidlat?

At kung saan nagmumula

ang hanging silangan?

25 Sino nga ba ang gumawa

ng dadaanan ng ulan at ng bagyo?

26 Sino nga ba ang nagpapadala

ng ulan sa disyerto,

sa lugar na walang nakatirang tao?

27 Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang upang tumubo ang mga damo?

28 Mayroon bang ama ang ulan?

Sino ang ama ng mga ng hamog?

29 Sino ang ina ng niyebe?

Sino ang nagsilang sa yelong mula sa langit?

30 Ang tubig ay nagyeyelo

na kasintigas ng bato,

pati na ang itaas

na bahagi ng dagat.

31 "Kaya mo pagkumpul-kumpulin

ang mga bituin ng Pleyades

o ikalat ang mga bituin ng Orion?

32 Masasabihan mo ba ang mga bituin

na lumabas sa tamang oras?

Magagabayan mo ba ang mga bituing

Malaking Oso at Maliit na Oso

sa kanilang daan?

33 Alam mo ba ang mga tuntuning

umiiral sa langit?

Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa lupa?

34 "Masisigawan mo ba ang mga ulap

para bumuhos sila ng ulan?

35 Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap?

Mapapasunod mo kaya ito?

36 Sino ang nagbibigay ng karunungan

at pang-unawa ng tao?

37 Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap?

Sinong makakapagbuhos

ng tubig mula sa langit

38 upang ang mga tuyong alikabok

ay maging buo-buong putik?

39 "Maihahanap mo ba ng pagkain

ang mga leon

upang sila ay mabusog

40 habang silaʼy nagtatago

sa kanilang lungga

o sa maliliit na punongkahoy?

41 Sino ang nagpapakain sa mga uwak

kapag silaʼy nagugutom

at kapag ang mga inakay nilaʼy

humihingi ng pagkain sa Diyos?

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-