Publicidade

Jó 12

Sumagot si Job

1 Sumagot si Job,

2 "Ang akala nʼyo baʼy kayo lang

ang marunong

at wala nang matitirang marunong

kapag namatay kayo?

3 Ako man ay marunong din

gaya ninyo;

hindi kayo nakahihigit sa akin.

Alam ko rin

ang lahat ng sinasabi ninyo.

4 "Ngunit naging katawa-tawa ako

sa aking mga kaibigan,

kahit na matuwid ako

at walang kapintasan,

at kahit sinagot ng Diyos

ang mga dalangin ko noon.

5 Ang mga taong naghihirap

na gaya ko

na tila mabubuwal

ay kinukutya ng mga taong

walang problema.

6 Ngunit ang mga tulisan

at ang mga taong ginagalit ang Diyos

ay namumuhay nang payapa

gayong ang dinidiyos nilaʼy

ang sarili nilang kakayahan.

7 "Ang mga hayop ay iyong tanungin

at ikaʼy kanilang tuturuan,

o di kayaʼy ang mga ibon sa himpapawid

at ikaʼy kanilang papayuhan.

8 Kausapin mo ang lupa

at ikaʼy kanyang tuturuan,

o kayaʼy hayaan mong magpahayag saʼyo

ang mga isda sa karagatan.

9 Sa lahat nang mga ito,

mayroon bang hindi nakakaalam?

Ang kamay ng Panginoon mismo

ang gumawa nito?

10 Nasa kamay niya

ang buhay o hininga

ng bawat nilalang, pati na ng tao.

11 Kung alam ng dila ng tao

kung alin ang masarap

o hindi masarap na pagkain,

alam din ng tainga ng tao

kung alin ang mabuti

o masamang salita.

12 Maraming alam sa buhay

ang matatanda,

dahil habang tumatagal

ang buhay nila,

lalong dumarami

ang kanilang nalalaman.

13 "Ngunit ang Diyos

ay hindi lang nagtataglay

ng karunungan,

nasa kanya rin

ang kapangyarihan,

at siya lang ang nakakaunawa

kung ano ang dapat gawin.

14 Walang makapag-aayos

ng kanyang sinisira,

at walang makapagpapalaya

sa kanyang ikinukulong.

15 Kung pipigilin niya ang ulan,

matutuyo ang lupa,

at kung ibubuhos naman niya ito,

babahain ang lupa.

16 Makapangyarihan siyaʼt matagumpay,

at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan

ang mandaraya at ang dinadaya.

17 Inaalisan niya ng karunungan

ang mga tagapayo,

at ginagawang mangmang

ang mga hukom.

18 Pinaaalis niya ang mga hari

sa kanilang trono at ipinabibihag.

19 Tinatanggal niya sa tungkulin

ang mga pari

at ang mga taong

may kapangyarihan.

20 Pinatatahimik niya

ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo

at inaalis ang karunungan ng matatanda.

21 Hinahamak niya

ang mararangal na tao

at inaalisan ng kakayahan

ang mga may kapangyarihan.

22 Ang mga lihim ay kanyang inihahayag,

at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag.

23 Pinalalakas niya ang mga bansa

at pinapalawak ang kanilang teritoryo,

ngunit ibinabagsak din niya ito

at winawasak.

24 Ginagawa niyang mangmang

ang kanilang mga pinuno

at inililigaw sila sa ilang.

25 Kaya para silang bulag

na nangangapa sa dilim

at susuray-suray na parang

mga lasing."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-