1 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,
2 "Job, hanggang kailan ka ba
magsasalita ng ganyan?
Ayusin mo ang sinasabi mo
at saka kami makikipag-usap sa iyo.
3 Ang tingin mo ba sa amin
ay mga hayop na hindi nakakaunawa?
4 Sinasaktan mo lang ang sarili mo
dahil sa galit mo.
Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo,
pababayaan na ng Diyos ang mundo
o ililipat niya ang mga bato
mula sa kanilang kinalalagyan?
5 "Sa totoo lang, ang taong masama
ay tiyak na mamamatay.
Ang tulad niyaʼy ilaw
na hindi na magbibigay ng liwanag.
6 Magdidilim sa kinaroroonan niya,
dahil mamamatay ang ilawang
malapit sa kanya.
7 Noon ay may katatagan siya
ngunit ngayon ay bumabagsak.
Ang sarili niyang plano
ang siya ring sisira sa kanya.
8 Siya mismo ang lumakad
papunta sa bitag
at nahuli siya.
9 Hindi na maalis doon
ang mga paa niya.
10 Inilagay ang bitag
sa dinadaanan niya,
at tinabunan ng lupa.
11 Napapaligiran siya ng mga bagay
na kinatatakutan niya
at para bang hinahabol siya ng mga ito
saanman siya pumunta.
12 Dahil sa pagkagutom,
unti-unting nababawasan
ang lakas niya.
At ang kapahamakan
ay nakahanda upang ipahamak siya.
13 Ang balat niyaʼy sinisira
ng nakakamatay na sakit
at nabubulok ang kanyang
mga paaʼt kamay.
14 Pinaalis siya sa tahanang
kanlungan niya
at dinala sa harap
ng nakakatakot na hari.
15 Mawawala ang tirahan ng masama
dahil masusunog iyon
sa nagniningas na asupre.
16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy
na natuyo ang mga ugat
at mga sanga.
17 Makakalimutan siya
ng lahat dito sa daigdig
at wala nang makakaalala pa sa kanya.
18 Palalayasin siya mula rito
sa maliwanag na daigdig
patungo sa madilim na lugar
ng mga patay.
19 Wala siyang magiging anak o apo
at walang matitirang buhay sa pamilya niya.
20 Ang mga tao sa saanmang lugar
ay magtataka at matatakot
sa mga nangyayari sa kanya.
21 Ganyan nga ang sasapitin
ng taong masama na hindi
kumikilala sa Diyos."