1 Muling sumagot si Job,
2 "Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan,
at sasaktan sa mga sinasabi ninyo?
3 Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto.
Hindi na kayo nahiya
sa mga ginagawa ninyo
sa akin?
4 Kung talagang nagkasala ako,
problema ko na iyon.
5 Ang akala ninyoʼy mas magaling kayo
kaysa sa akin,
at ginagamit ninyo ang kahihiyan ko
bilang patunay na nagkasala ako.
6 Dapat ninyong malaman,
ang Diyos ang humatol sa akin
nang hindi tama.
At nahuli ako ng kanyang lambat
na nakapalibot sa akin.
7 "Tumawag ako
at humingi ng tulong
ngunit walang sumagot sa akin.
Humingi ako ng katarungan
ngunit walang nagbigay sa akin.
8 Hinarangan ng Diyos
ang dinadaanan ko
upang hindi ako makadaan.
Tinakpan din niya ito ng kadiliman.
9 Inalis niya ang aking karangalan
at sinira ang mabuti kong pangalan.
10 Pinahirapan niya ako
saanman ako bumaling
na halos ikamatay ko na.
Inalis niya ang pag-asa ko
na parang punongkahoy na binunot.
11 Labis ang galit niya sa akin
at itinuring niya akong kaaway.
12 Pinadalhan niya ako ng mga sundalo
para salakayin at palibutan ang aking tolda.
13 "Inilayo niya sa akin
ang aking mga kamag-anak;
at nilayuan na ako
ng aking mga kakilala.
14 Wala na ang lahat ng taong malapít sa akin.
Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako.
15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita
at mga babaeng alipin.
Itinuring na nila akong dayuhan.
16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin,
hindi na niya ako pinapansin,
kahit makiusap pa ako.
17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko
at ang mga kapatid kong lalaki
ay nandidiri sa akin.
18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit.
Kapag nakikita nila ako,
pinagtatawanan nila ako.
19 Lahat ng matalik kong kaibigan
ay nasusuklam sa akin.
Pati mga mahal ko sa buhay
ay lumayo na rin.
20 Butoʼt balat na lang ako
at halos mamamatay na.
21 "Maawa kayo sa akin,
mga kaibigan ko,
dahil pinahihirapan ako ng Diyos.
22 Bakit ninyo ako inuusig
tulad ng ginagawa ng Diyos sa akin?
Hindi pa ba sapat
ang pagpapahirap ninyo sa akin?
23 "Mabuti sana kung isinulat sa aklat
ang mga sinabi ko,
24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato
upang hindi mabura magpakailanman.
25 Alam kong buháy ang aking Tagapagligtas
at sa bandang huli
ay darating siya dito sa lupa.
26 Pagkaalis ko sa katawang ito
at mabulok ang mga laman ko,
makikita ko na ang Diyos.
27 Makikita ko siya nang harapan
at hindi na siya iba sa akin.
Labis na akong nananabik
na makita siya.
28 "Kung sasabihin ninyo,
‘Patuloy natin siyang paratangan
dahil siya mismo ang ugat
ng mga kaguluhan.’
29 Katakutan ninyo ang talim ng tabak,
sapagkat ito ay parusang nararapat
dulot ng kanyang matinding poot,
upang malaman ninyong may paghahatol."