1 "Ang buhay ng tao dito sa mundo
ay napakahirap.
Itoʼy kasinghirap ng araw-araw
na trabaho ng isang manggagawa,
2 o gaya ng isang aliping nagnanais
na sumapit na ang hapon
upang siyaʼy makapagpahinga,
o tulad ng isang manggagawang
naghihintay ng kanyang suweldo.
3 Ganyan din ang kalagayan ko.
Ilang buwan na ang aking paghihirap
na walang kabuluhan.
Kahit gabiʼy naghihirap ako,
4 at habang nakahiga ako,
iniisip ko kung kailan darating ang umaga.
Napakabagal ng takbo ng oras.
Hindi ako mapalagay
hanggang magbukang-liwayway.
5 Ang katawan koʼy puno ng uod at langib.
Nagnanana at pumuputok
ang mga pigsa kong namamaga.
6 "Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa.
Mabilis itong lumilipas,
higit pa sa bilis ng isang habian
ng manghahabi.
7 O Diyos, alalahanin nʼyo po na
ang buhay koʼy parang
isang hinga lamang,
at hindi na po ako makadama
ng anumang ligaya.
8 Nakikita nʼyo po ako ngayon
ngunit sa huli ay hindi na.
Hahanapin nʼyo ako
ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan.
9 Kung papaanong ang mga ulap
ay nawawala at hindi na nakikita,
ganoon din ang mga namamatay,
hindi na sila nakakabalik pa.
10 Hindi na siya makakauwi
sa kanyang bahay,
at makakalimutan na siya
ng mga nakakakilala sa kanya.
11 "Kaya po hindi ako maaaring manahimik;
naninikip na po ang aking dibdib
at kailangan ko na pong sabihin
ang aking sama ng loob.
12 O Diyos, bakit nʼyo po
ako binabantayan?
Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat
na dapat bantayan?
13 Kung gusto ko pong mahiga
upang makapagpahinga
sa tinitiis kong hirap,
14 tinatakot nʼyo naman po ako
sa pamamagitan ng mga panaginip
at pangitain.
15 Kaya mas mabuti pang
sakalin na lang ako at mamatay
kaysa mabuhay sa katawang ito.
16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay.
Ayoko nang mabuhay.
Hayaan nʼyo na lang
akong mamatay,
dahil wala nang kabuluhan
ang aking buhay.
17 "Ano po ba ang tao upang pahalagahan
at pagmalasakitan nʼyo ng ganito?
18 Sinisiyasat nʼyo siya tuwing umaga
at sinusubukan sa bawat sandali.
19 Kung maaariʼy hayaan nʼyo akong mag-isa
kahit sandali lang.
20 At kung nagkasala naman po ako,
ano po ang kasalanang
nagawa ko sa inyo,
O Tagapagbantay ng tao?
Bakit ako ang pinili nʼyong pahirapan?
Naging pabigat po ba ako sa inyo?
21 Kung nagkasala po ako sa inyo,
bakit hindi nʼyo na lang ako patawarin?
Hindi na rin naman magtatagal
at papanaw na ako,
at kahit hanapin nʼyo ako,
hindi nʼyo na ako makikita."