1 "Dahil ditoʼy kumakabog ang dibdib ko
at tumatalon-talon ang puso ko.
2 Pakinggan ninyo ang dagundong
ng tinig ng Diyos,
ang ugong na nagmumula
sa kanyang bibig.
3 Pinapakawalan niya ang kidlat
sa buong kalawakan,
at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo.
4 Pagkatapos ay maririnig
ang dagundong ng kanyang tinig
na parang isang kulog.
Hindi niya ito pinipigilan.
5 Kagila-gilalas ang dumadagundong
na tinig ng Diyos.
Gumagawa siya
ng mga kahanga-hangang bagay,
mga bagay na hindi natin kayang unawain.
6 Inuutusan niya ang yelo
na pumatak sa lupa,
ganoon din ang ulan
na bumuhos nang malakas,
7 upang ang taoʼy makapagpahinga
sa kanilang mga ginagawa
at makapagbulay-bulay
sa mga ginawa ng Diyos.
8 Nagtatago ang mga hayop
sa kanilang mga taguan
at nananatili roon kapag may bagyo.
9 Dumadating ang bagyo
at ang hanging malamig
mula sa kanilang taguan.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos
nabubuo ang yelo,
at nagiging yelo ang malalawak
na bahagi ng tubig.
11 Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap
at pinakikidlat ito.
12 Sa kanyang utos,
nagpapaikot-ikot ang mga ulap
sa ibabaw ng mundo.
At ang kanyang nais
ay kanilang ginagawa.
13 Ginagamit niya ang mga ito
upang ituwid ang tao,
o ipadama ang kanyang pag-ibig.
14 "Job, pakinggan mo ito,
at pagbulay-bulayan
ang mga kahanga-hangang bagay
na ginagawa ng Diyos.
15 Alam mo ba kung paano
inuutusan ng Diyos ang ulap,
at kung paano siya
nagpapakidlat mula rito?
16 Alam mo ba kung paano lumulutang
ang mga ulap?
Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Diyos
na ang dunong ay walang hangganan.
17 Ikaʼy pagpapawisan
dahil sa mainit na hangin mula sa timog,
18 matutulungan mo ba ang Diyos
na ilatag ang kalawakan
at patigasin na parang tansong salamin?
19 "Kaya sabihin mo sa amin
kung ano ang dapat naming sabihin sa Diyos.
Hindi namin alam kung paano
kami mangangatwiran
dahil kulang ang aming kaalaman.
20 Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Diyos,
dahil baka akoʼy kanyang ipahamak.
21 Walang sinumang makakatitig sa araw
na nagliliwanag sa himpapawid,
pagkatapos mahawi ng hangin
ang mga ulap.
22 Mula sa hilaga, darating ang Diyos
na nagniningning na parang ginto
at ang kanyang liwanag
ay kagila-gilalas.
23 Hindi natin lubos na maunawaan
ang Diyos na Makapangyarihan na napakadakila.
Lubos siyang makatarungan,
matuwid at hindi nang-aapi,
24 kaya iginagalang siya ng mga tao.
Hindi niya pinapansin
ang mga taong nagsasabing
sila ay marunong."