1 "Ngunit ngayon, kinukutya na ako
ng mga mas bata sa akin,
na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan.
Mas mapagkakatiwalaan pa nga
ang mga aso kong tagapagbantay
ng aking kawan
kaysa sa kanila.
2 Ano baʼng makukuha ko
sa mga taong ito na mahihina
at talagang wala nang lakas?
3 Nangangayayat sila dahil sa labis
na kahirapan at gutom.
Nginangatngat nila maging ang tuyong lupa,
sa kadiliman tigang na ilang.
4 Pinipitas nila ang mga halaman sa latian,
at kinakain ang ugat
ng mga tambo.
5 Tinataboy sila palayo
sa kanilang mga kababayan
at sinisigawan na parang mga magnanakaw.
6 Tumitira sila sa mga lambak,
sa malalaking bitak ng bato
at mga lungga sa lupa.
7 Para silang mga hayop
na umaalulong sa kagubatan
at nagsisiksikan sa ilalim
ng maliliit na punongkahoy.
8 Wala silang halaga, walang nakakakilala
at pinalayas pa sa kanilang lupain.
9 "At ngayon, paawit pa kung akoʼy kutyain
ng kanilang mga anak
at naging katatawanan pa ako sa kanila.
10 Namumuhi sila at umiiwas sa akin.
Hindi sila nangingiming
duraan ako sa mukha.
11 Ngayong pinanghina ako
at pinahirapan ng Diyos,
ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin.
12 Nilusob ako ng masasamang ito
at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan.
Talagang pinagsisikapan nila
akong ipahamak.
13 Sinisira nila ang dadaanan ko
upang ipahamak ako.
At nagtatagumpay sila
kahit walang tumutulong sa kanila.
14 Sinasalakay nila ako
na parang mga sundalong dumadaan
sa malalaking butas ng gibang pader.
15 Takot na takot ako,
at biglang nawala ang karangalan ko
na parang hinipan ng malakas na hangin,
at ang kasaganaan koʼy naglahong
gaya ng ulap.
16 "At ngayon ay parang mamamatay na ako;
walang tigil ang aking paghihirap.
17 Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko
at hindi nawawala ang sakit nito.
18 Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Diyos,
sinunggaban niya ako, hinawakan sa kuwelyo,
19 at inihagis sa putik.
Naging parang alikabok
at abo na lang ako.
20 "O Diyos, humingi ako ng tulong sa inyo
ngunit hindi kayo sumagot.
Tumayo pa ako sa harapan nʼyo
ngunit tiningnan nʼyo lang ako.
21 Naging malupit kayo sa akin.
Pinahirapan nʼyo ako
sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
22 Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin
at ipinasalanta sa bagyo.
23 Alam kong dadalhin nʼyo ako
sa lugar ng mga patay,
ang lugar na itinakda
para sa lahat ng nilalang.
24 "Tiyak na wala akong sinaktang
taong naghihirap
at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan.
25 Iniyakan ko pa nga
ang mga taong nahihirapan,
at ang mga dukha.
26 Ngunit nang ako naman
ang umasang gawan ng mabuti,
masama ang ginawa sa akin.
Umasa ako ng liwanag
ngunit dilim ang dumating sa akin.
27 Walang tigil na nasasaktan
ang aking damdamin.
Araw-araw paghihirap
ang dumarating sa akin.
28 Umitim ang balat ko
hindi dahil sa init ng araw
kundi sa aking karamdaman.
Tumayo ako sa harap ng kapulungan
at humingi ng tulong.
29 Ang boses koʼy parang alulong
ng asong-gubat o huni ng kuwago.
30 Umitim ang balat koʼt natutuklap,
at inaapoy ako ng lagnat.
31 Kaya naging malungkot ang tugtugin
ng aking alpa at plauta."