Publicidade

Jó 34

1 Sinabi pa ni Elihu,

2 "Kayong mga nagsasabing

marurunong at maraming nalalaman,

pakinggan ninyo akong mabuti.

3 Sapagkat kung papaanong alam ng dila

ang masarap at hindi masarap na pagkain,

alam din ng tainga kung ano ang tama

at hindi tamang mga salita.

4 Kaya alamin natin kung ano ang tama,

pag-aralan natin kung ano ang mabuti.

5 "Sapagkat sinabi ni Job,

‘Wala akong kasalanan

ngunit hindi ako binigyan

ng Diyos ng katarungan.

6 Kahit na matuwid ako,

itinuring akong sinungaling.

Kahit na wala akong

nagawang kasalanan,

binigyan niya ako ng karamdamang

walang kagalingan.’

7 Walang taong katulad ni Job

na uhaw sa pangungutya.

8 Ang gusto niyang makasama

ay masasama at makasalanang tao,

9 dahil sinabi niya,

‘Walang pakinabang ang tao

kung magsisikap siyang

bigyan kasiyahan ang Diyos!’

10 "Kaya makinig kayo sa akin,

kayong mga nagsasabing

kayo ay nakakaunawa.

Ang Diyos na Makapangyarihan

ay hindi gumagawa ng masama.

11 Ginagantihan niya ang tao

ayon sa mga ginawa nito;

pinakikitunguhan niya ang tao

ayon sa nararapat sa ugali nito.

12 Tunay ngang hindi gagawa ng masama

ang Diyos na Makapangyarihan.

Hindi niya maaaring baluktutin

ang hustisya.

13 May nagtalaga ba sa kanya

upang mamuno sa lupa?

May nagbilin ba sa kanya

upang mamahala sa buong sanlibutan?

14 Kung loloobin ng Diyos

na kunin ang buhay

na ibinigay niya sa tao,

15 lahat ng taoʼy mamamatay

at babalik sa lupa.

16 "Job, kung ikaʼy may pang-unawa,

pakinggan mo ang sasabihin ko:

17 Maaari ba namang mamuno ang Diyos

kung ayaw niya ng katarungan?

Hahatulan mo ba ang matuwid

at makapangyarihan?

18 Hindi baʼt siya ang sumasaway

sa mga hari at pinunong masama

at walang kuwenta?

19 Wala siyang itinatangi sa mga pinuno

at wala rin siyang pinapanigan,

mayaman man o mahirap,

dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha.

20 Kahit ang taong makapangyarihan

ay biglang mamamatay sa gabi

nang hindi ginagalaw ng tao.

21 "Binabantayan ng Diyos

ang lahat ng ginagawa ng tao.

22 Walang madilim na lugar

na maaaring pagtaguan ng masama.

23 Hindi na kailangang

tawagin pa ng Diyos ang tao

upang humarap sa kanya

upang tanungin at hatulan.

24 Hindi na niya kailangang

imbestigahan pa ang taong namumuno

upang alisin ito sa katungkulan

at palitan ng iba.

25 Sapagkat alam niya

ang kanilang ginagawa,

inaalis niya sila sa kapangyarihan

at nililipol kahit gabi.

26 Hayagan niya silang pinaparusahan

dahil sa kanilang kasamaan.

27 Ginawa niya ito

dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya,

at binalewala ang kanyang pamamaraan.

28 Inaapi nila ang mga dukha,

at narinig ng Diyos

ang paghingi ng mga ito ng tulong.

29 Ngunit kahit na tumahimik

ang Diyos at magtago,

walang sinuman ang makapagsasabing

mali siya.

Ang totoo, binabantayan ng Diyos

ang tao at mga bansa,

30 upang patigilin ang pamumuno

ng mga hindi makadiyos,

para hindi nila mabitag mga tao.

31 "Sakaling may magsabi sa Diyos,

‘Napagdusahan ko na ang aking kaparusahan;

hindi na ako muling gagawa ng kasalanan,’

32 o, ‘Sabihin nʼyo sa akin

ang kasalanan ko;

kung nagkasala ako,

hindi ko na ito muling gagawin.’

33 Papaano sasagutin ng Diyos

ang kahilingan mo kung hindi ka magsisisi?

Ikaw ang magpapasya nito

at hindi ako.

Kaya sabihin mo sa akin

kung ano ang pasya mo.

34 "Ang mga taong marurunong

at may pang-unawa,

na nakikinig sa akin,

35 ay makapagsasabing ang mga sinasabi mo Job

ay kamangmangan at walang kabuluhan.

36 Dapat ka ngang lubusang subukin, Job,

dahil nagsasalita kang tulad

ng isang masamang tao.

37 Dinadagdagan mo pa ang kasalanan mo

dahil sa paghihimagsik mo sa Diyos.

Minamasama moʼt kinukutya

ang Diyos sa harap namin."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-