Publicidade

Jó 22

Nagsalita si Elifaz

1 Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,

2 "May pakinabang ba ang tao sa Diyos?

Kahit na marunong pa ito,

wala itong maitutulong sa kanya.

3 Matutuwa kaya ang Diyos na Makapangyarihan

kung matuwid ka?

May mapapala ba siya sa iyo

kung walang kapintasan ang buhay mo?

4 "Sinasaway ka at hinahatulan ng Diyos

hindi dahil may takot ka sa kanya,

5 kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo

at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan.

6 Walang awa mong kinukuha

ang damit ng iyong kapwa

bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo.

7 Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw

at hindi mo rin binibigyan

ng pagkain ang nagugutom.

8 Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan

at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa.

9 Kapag humihingi sa iyo ng tulong

ang mga biyuda,

pinauuwi mo silang walang dala.

Pinagmamalupitan mo pa

pati ang mga ulila.

10 Iyan ang mga dahilan

kung bakit napapalibutan ka ng patibong

at dumarating sa iyo

ang biglang pagkatakot.

11 Iyan din ang mga dahilan

kung bakit nadiliman ka

at hindi nakakita,

at inaapawan pa ng baha.

12 "Ang Diyos ay nasa kataas-taasang langit,

mas mataas pa sa pinakamataas na bituin.

13 Kaya sinasabi mo,

‘Hindi alam ng Diyos

ang ginagawa ko.

Paano siya makakahatol

kung napapalibutan siya

ng makapal na ulap?

14 Napapalibutan nga siya

ng makapal na ulap,

kaya hindi niya tayo makikita

habang naglalakad siya

sa itaas ng langit.’

15 Patuloy ka bang susunod

sa pag-uugaling matagal nang sinusunod

ng taong masasama?

16 Namatay sila nang wala pa sa panahon;

katulad sila ng pundasyon ng bahay

na tinangay ng baha.

17 Sinabi nila sa Diyos na Makapangyarihan,

‘Pabayaan mo kami!’

At ‘Ano baʼng magagawa

ng Diyos na Makapangyarihan sa amin?’

18 Ngunit ang Diyos ang siyang pumuno

sa kanilang tahanan ng mabubuting bagay.

Kaya ang ipapayo ng masasamang tao

ay hindi ko tatanggapin.

19 Kapag nakita ng mga taong matuwid

at walang kasalanan

ang kapahamakan ng mga taong masama,

matutuwa sila at magdiriwang.

20 Sasabihin nila, ‘Napahamak na

ang mga kaaway natin,

at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’

21 "Job, magpasakop ka sa Diyos

at makipagkasundo sa kanya

upang pagpalain ka niya.

22 Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo

at ingatan sa iyong puso

ang kanyang mga salita.

23 Kung manunumbalik ka sa Diyos

na Makapangyarihan,

at aalisin ang kasamaan

sa iyong sambahayan,

muli ka niyang bibiyayaan.

24 At kung ituturing mong parang buhangin lang

ang iyong kayamanan,

at itatapon sa ilog

ang iyong mamahaling ginto,

25 ang Diyos na Makapangyarihan

ang magiging kayamanan mo,

Mamahaling pilak siya para sa iyo.

26 At saka mo matatagpuan

ang kaligayahang nagmumula

sa Diyos na Makapangyarihan,

at hindi ka mahihiyang

lumapit sa kanya.

27 Manalangin ka sa kanya

at diringgin ka niya.

Tuparin mo

ang iyong mga pangako sa kanya.

28 Anuman ang binabalak mong gawin

ay mangyayari

at magiging maliwanag ang iyong daan.

29 Kung may taong nanghihina,

at kung idadalangin mo sa Diyos

na palakasin siya,

tutulungan niya ang taong iyon.

30 Pati ang mga taong nagkasala

ay ililigtas niya sa pamamagitan

ng buhay mong matuwid."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-