1 "Alam mo ba kung kailan nanganganak
ang mga kambing sa gubat?
Nakakita ka na ba ng usa
na nanganganak?
2 Binibilang mo ba ang mga buwan
ng kanilang pagbubuntis
hanggang sa sila ay manganak?
At alam mo rin ba
kung kailan sila manganganak?
3 Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap
hanggang sa makapanganak.
4 Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan,
umaalis sila at hindi na bumabalik.
5 "Sino ang nagpakawala
sa asnong-gubat?
Sino ang nagkalas ng tali nito?
6 Ibinigay ko sa kanya ang ilang
upang kanyang tirhan,
pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan.
7 Lumalayo siya sa maingay na bayan
at ayaw niyang siya ay mapaamo.
8 Paikot-ikot siya sa mga kabundukan
upang maghanap ng sariwang pastulan.
9 "Papayag ba ang bakang-gubat
na pagsilbihan ka?
Mapapanatili mo kaya siya
sa kanyang sabsaban kung gabi?
10 Matatalian mo kaya siya
at mapag-aararo sa iyong bukid?
11 Makakaasa ka kaya sa lakas niya
upang gawin ang mabibigat na gawain?
12 Maaasahan mo kaya siyang
tipunin at hakutin
ang iyong ani papunta sa giikan?
13 "Pumapagaspas nang may kagalakan
ang mga pakpak ng abestrus,
ngunit hindi nito mapapantayan
ang mga pakpak at balahibo ng tagak.
14 Iniiwanan ng malaking ibong ito
ang kanyang mga itlog sa lupa
upang mainitan sa buhanginan.
15 Hindi siya nag-aalalang
baka matapakan ito o madaganan
ng mga hayop sa gubat.
16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw,
parang hindi kanya kung ituring.
Hindi siya nag-aalala
na ang pinaghirapan niya
ay mawawalan ng kabuluhan.
17 Sapagkat hindi siya binigyan
ng Diyos ng karunungan
at hindi rin binahagian
ng pang-unawa.
18 Ngunit kapag tumakbo na siya,
tinatawanan niya ang kabayo
at ang sakay nito.
19 "Ikaw ba ang nagbibigay
ng lakas sa kabayo?
Ikaw din ba ang naglagay
ng buhok sa kanyang leeg?
20 Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya
gaya ng isang balang
at nagiging kagimbal-gimbal
kapag itoʼy sumisinghal?
21 Kumakahig siya sa lupa
na parang ipinagmamalaki
ang kanyang lakas.
Pagkatapos ay sumusugod siya sa digmaan.
22 Wala siyang kinatatakutan,
ni hindi siya natatakot sa espada.
23 Kumakalansing at kumikislap
ang mga sandata ng sumasakay sa kanya.
24 Lumilipad ang alikabok
sa bilis ng kanyang pagtakbo.
Hindi na siya mapigilan
kapag tumunog na ang trumpeta.
25 Sumisinghal siya
kapag naririnig ang trumpeta.
Naaamoy niya ang digmaan
kahit sa malayo,
at naririnig niya ang ingay ng digmaan
at ang sigaw ng mga kumander.
26 "Ang karunungan mo ba
ang nagpapalipad sa lawin
para ibuka ang pakpak nito
patungo sa timog?
27 Ikaw ba ang nag-uutos
sa agila na lumipad
at gumawa ng kanyang pugad
sa mataas na dako?
28 Nakatira ang agila
sa mataas na bato.
Ang matarik na lugar
ang kanyang taguan.
29 Mula doon naghahanap
siya ng madadagit,
kahit ang malayo
ay naaabot ng kanyang paningin.
30 At kapag may nakita siyang bangkay
ay pinupuntahan niya,
at ang dugo nito ang iniinom
ng kanyang mga inakay."