Publicidade

Jó 35

1 Sinabi pa ni Elihu,

2 "Sa wari mo baʼy tama ka

kapag sinabi mong, ‘Ako ang tama,

hindi ang Diyos.’

3 Ngunit sabi mo rin,

‘Anong pakinabang sa akin,

ano namang makukuha ko

kapag akoʼy hindi gagawa

ng kasalanan?’

4 "Sasagutin kita pati na

ang iyong mga kaibigan.

5 Tumingin ka sa langit

at tingnan mo kung gaano kataas ang ulap.

6 Kung magkasala ka man,

apektado ba ang Diyos?

Kung patuloy ka mang magkasala,

may magagawa ba iyon sa kanya?

7 Kung matuwid ka,

ano naman ang kabutihang

maibibigay nito sa Diyos?

8 Ang maaapektuhan lamang

sa ginagawa mong mabuti o masama

ay ang iyong kapwa tao.

9 "Ang mga inaapi ay humihingi

ng tulong na iligtas sila

sa kamay ng mga makapangyarihang tao.

10 Ngunit walang nagsasabi,

‘Nasaan ang Diyos na aking Manlilikha,

na nagbibigay ng mga awitin sa gabi?

11 Nasaan ang nagtuturo

at nagpapatalino sa atin

nang higit pa sa mga ibon

sa kalangitan?’

12 At kung mananalangin sila,

hindi sila sinasagot ng Diyos

dahil mayayabang sila at masasamang tao.

13 Tunay ngang hindi dinidinig

ng Diyos na Makapangyarihan

ang walang kabuluhang

paghingi nila ng tulong.

14 Lalo ka lang niyang hindi pakikinggan

kung sasabihin mong hindi mo nakikita

ang kanyang tulong

nang idinulog mo ang iyong kalagayan,

at pinaghihintay ka lang.

15 Sinabi mo rin na

hindi nagpaparusa ang Diyos

kahit galit siya,

at hindi niya pinapansin

ang kasamaang ginagawa ng tao.

16 Job, walang saysay

ang sinasabi mo.

Talagang malinaw na hindi mo alam

ang iyong sinasabi."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-