1 "Nakita koʼt napakinggan
ang lahat ng sinabi ninyo,
at itoʼy aking naunawaan.
2 Ang alam ninyo ay alam ko rin.
Hindi kayo nakahihigit sa akin.
3 Ngunit hindi na ako makikipagtalo sa inyo
tungkol sa kalagayan ko.
Sa aking Diyos na Makapangyarihan ko na lamang
ito idudulog.
4 Sapagkat pinagsisikapan ninyong
gamutin ako ng kasinungalingan.
Lahat kayoʼy parang manggagamot
na walang silbi.
5 Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo.
Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin.
6 Pakiusap naman!
Pakinggan ninyo ang katuwiran ko.
7 Ipagtatanggol nʼyo ba ang Diyos
sa pamamagitan ng pagsisinungaling?
8 Kumakampi ba kayo sa kanya?
Ipagtatanggol ba ninyo siya
sa harap ng Diyos?
9 Kung siyasatin kaya kayo ng Diyos,
may kabutihan kaya siyang
makikita sa inyo?
Huwag ninyong isipin
na madadaya ninyo siya
tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao.
10 Tiyak na sasawayin kayo ng Diyos
kahit na kinakampihan ninyo siya.
11 Hindi ba kayo natatakot
sa kapangyarihan niya?
12 Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan
ay walang kabuluhan;
itoʼy parang abo.
Ang mga katuwiran nʼyo
ay marupok gaya ng palayok.
13 "Tumahimik kayo habang nagsasalita ako,
at anuman ang mangyari sa akin,
bahala na.
14 Nakahanda akong itaya ang lahat,
maging ang aking buhay.
15 Kahit patayin pa ako ng Diyos.
Ano pa ba ang mawawala sa akin?
Ngunit ipagtatanggol ko pa rin
ang aking sarili sa kanya.
16 Baka sakaling sa pamamagitan nito
ay maligtas ako,
dahil walang masamang tao
na makakalapit sa kanya.
17 Makinig kayong mabuti
sa aking sasabihin;
at ang mga salita koʼy inyong dinggin.
18 Ngayong handa na akong ipagtanggol
ang sarili ko;
alam kong mapapatunayang
wala akong kasalanan.
19 Sino ang makakapagparatang
na nagkasala ako?
Kung mayroon nga,
mananahimik na lang ako
hanggang sa mamatay.
20 "O Diyos, dalawang bagay lang
ang hinihiling ko sa inyo,
na kung ibibigay nʼyo sa akin
ay hindi na ako magtatago sa inyo:
21 Tigilan nʼyo na ang pagpaparusa sa akin
at huwag nʼyo na akong takutin
ng mga nakakatakot na parusa ninyo.
22 Kausapin nʼyo ako
at sasagot ako,
o kayaʼy ako ang magsasalita sa iyo
at sagutin nʼyo ako.
23 Anu-ano po ba ang mga nagawa kong
pagkakamali at kasalanan?
Sabihin nʼyo po sa akin
ang aking pagkakamali
at mga kasalanan.
24 Bakit nʼyo ako tinatalikuran
at itinuturing na kaaway?
25 Bakit nʼyo ako tinatakot at hinahabol?
Para lang akong dahon o tuyong ipa
na tinatangay ng hangin.
26 Inililista nʼyo ang mapapait
na paratang laban sa akin
at isinasama nʼyo pa ang lahat
ng kasalanan ko
noong bata pa ako.
27 Para nʼyong ikinadena
ang aking mga paa.
Bawat hakbang koʼy
inyong binabantayan,
at pati bakas ng paa koʼy
inyong sinusundan.
28 "Kaya para na akong
isang bagay na nabubulok
o isang damit na sinisira
ng gamo-gamo."