1 Sinabi pa ng Panginoon kay Job,
2 "Makikipagtalo ka pa rin ba sa akin,
ako na Diyos na Makapangyarihan?
Sinasabi mong nagkamali ako.
Ngayon, sagutin mo ako."
3 Kaya sinagot ni Job ang Panginoon,
4 "Hindi po ako karapat-dapat
na sumagot sa inyo.
Tatahimik na lamang po ako.
5 Marami na akong nasabi,
kaya hindi na po ako magsasalita."
6 At sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipuipo,
7 "Ihanda mo ang iyong sarili,
at sagutin mo ang mga tanong ko.
8 "Gusto mo bang patunayan na mali ako
upang palabasin na ikaw ang tama?
9 Ang kamay mo baʼy makapangyarihan
tulad ng sa Diyos?
Dadagundong ba ang boses mo
tulad ng sa kanya?
10 Kung magagawa mo iyan,
patunayan mo na ikaw nga
ay makapangyarihan, marangal at dakila.
11 Ipakita mo ang matindi mong galit
sa taong mayayabang at ibagsak sila.
12 Wasakin mo ang taong masasama
sa kanilang kinatatayuan.
13 Ilibing mo silang lahat sa lupa,
sa lugar ng mga patay.
14 Kapag nagawa mo ang mga ito,
ako ang pupuri sa iyo
at tatanggapin kong may kakayahan ka
na iligtas ang iyong sarili.
15 "Tingnan mo ang Behemot,
nilalang ko rin siya katulad mo.
Kumakain ito ng damo na tulad ng baka,
16 ngunit napakalakas nito,
at napakatibay ng katawan.
17 Ang buntot niyaʼy
tuwid na tuwid
na parang kahoy ng sedro,
at ang mga hitaʼy matipuno.
18 Ang mga buto nitoʼy
tulad ng tubong tanso o bakal.
19 Kahanga-hanga siya sa lahat
ng aking nilalang.
Ngunit ako na Manlilikha niya
ay hindi niya matatalo.
20 Nanginginain siya sa mga kabundukan
habang naglalaro ang mga hayop sa gubat
malapit sa kanya.
21 Nagpapahinga siya
sa matitinik na halamang
natatabunan ng talahib.
22 Ang mga halamang matinik
at ang iba pang mga punongkahoy
sa tabi ng batis
ay nagiging kanlungan niya.
23 Hindi siya natatakot
kahit na rumaragasa
ang tubig sa ilog.
Tahimik pa rin siya
kahit halos natatabunan na siya
ng tubig ng Ilog Jordan.
24 Sino ang makakahuli sa kanya
sa pamamagitan ng pagbulag sa kanya?
Sino ang makakabitag sa kanya
at makakakawit sa ilong niya?