1 Sumagot si Bildad na taga-Shua,
2 "Hanggang kailan ka magsasalita
nang ganyan?
Nag-iingay ka lang
at walang kabuluhan
ang mga sinasabi mo.
3 Hindi maaaring pilipitin
ng Diyos na Makapangyarihan
ang katarungan
o baluktutin ang katuwiran.
4 Nagkasala ang iyong mga anak
laban sa Diyos
kaya nararapat lamang
ang natanggap nilang kaparusahan.
5 Ngunit kung lalapit ka
sa Diyos na Makapangyarihan,
at magmamakaawa sa kanya,
6 at mamumuhay nang malinis
at matuwid,
kahit ngayon ay agad ka niyang tutulungan
at ibabalik sa mabuting kalagayan.
7 Bagamaʼt sa maliit ka nag-umpisa,
magiging masagana ang iyong hinaharap.
8 "Tanungin mo ang mga matatanda.
Alamin mo kung ano ang natutunan
ng kanilang mga ninuno.
9 Sapagkat parang kailan lang
tayo ipinanganak
at kaunti lang ang ating nalalaman,
at ang mga araw natin dito sa mundo
ay tulad ng aninong hindi nagtatagal.
10 Pakinggan mo sila,
at sasabihin nila sa iyo
ang kanilang nalalaman.
11 Hindi mabubuhay ang halamang tubig
kung walang tubig.
12 Habang silaʼy mura pa
at ʼdi pa namumukadkad,
silaʼy nalalantang mas mabilis pa
sa mga damo.
13 Ganyan din ang kahihinatnan
ng lahat ng taong tumatalikod sa Diyos.
Ang kanyang pag-asa ay mawawala.
14 Ang lahat ng inaasahan
at pinagtitiwalaan niya
ay kasinrupok ng sapot ng gagamba.
15 Kapag sinandalan ito,
agad nalalagot;
dumidikit ngunit mahina ang kapit.
16 Para siyang halamang sagana
sa dilig at sikat ng araw.
Yumayabong ito
sa buong hardin
17 at kumakapit ang mga ugat nito
sa mga bato.
18 Ngunit kapag nabunot na ito,
hindi na pinapansin.
19 Ganyan ang wakas ng buhay niya,
at may tanim na tutubong muli
sa lugar na kanyang tinubuan.
20 "Ang totoo, hindi itinatakwil ng Diyos
ang taong matuwid
at hindi niya tinutulungan
ang taong masama.
21 Patatawanin ka niyang muli,
at pasisigawin sa kagalakan.
22 Ipapahiya niya ang mga napopoot sa iyo
at wawasakin ang kanilang sambahayan."