1 Sumagot si Job,
2 "Totoo ang sinabi mo.
Ngunit paano mapapatunayan ng tao
na wala siyang kasalanan
sa harapan ng Diyos?
3 Kahit na makipagtalo pa siya
sa Diyos sa hukuman,
wala siyang magagawa,
dahil sa isang libong katanungan ng Diyos,
hindi niya masasagot isa man sa mga ito.
4 Marunong at makapangyarihan ang Diyos.
Sino ang nakipaglaban sa kanya
at nagtagumpay?
5 Walang ano-anoʼy pinauuga niya
ang mga bundok
at natitibag ito
sa tindi ng kanyang galit.
6 Niyayanig niya ang lupa
at ang mga pundasyon nito ay nauuga.
7 Kapag inutusan niya ang araw
o ang mga bituin,
hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag.
8 Tanging siya lamang
ang nakapaglalatag ng langit
at nakapagpapatigil ng alon.
9 Siya ang manlilikha
ng grupo ng mga bituin
na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades,
at mga bituin sa katimugan.
10 Gumagawa siya ng kahanga-hangang mga bagay
at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin.
11 Kapag dumadaan siya sa tabi ko,
hindi ko siya nakikita o nararamdaman.
12 Kung may gusto siyang kunin,
walang makakapigil sa kanya.
At sino ang makakapagreklamo
sa mga ginagawa niya?
13 Hindi pinipigil ng Diyos ang kanyang galit.
Kahit ang mga katulong ni Rahab,
na halimaw sa dagat,
ay yumuyukod sa takot sa kanya.
14 "Kaya papaano ko ipagtatanggol
ang sarili ko sa Diyos?
Ano ang mga salitang
maaari kong gamitin
upang makipagtalo sa kanya?
15 Kahit na wala akong kasalanan,
hindi ko maipagtatanggol
ang sarili ko.
Ang magagawa ko lamang
ay magmakaawa sa Diyos
na aking Hukom.
16 Kahit hilingin kong magkausap kami
at pumayag siya,
hindi pa rin niya ako pakikinggan ni paniniwalaan.
17 Sapagkat pinapahirapan niya ako
na parang sinasalanta ng bagyo,
at dinadagdagan pa niya
ang paghihirap ko
nang walang dahilan.
18 Halos malagot na
ang aking hininga
dahil sa paghihirap na
kanyang idinulot sa akin.
19 Kung lakas ang pag-uusapan
walang tatalo sa kanya!
At kung sa hukuman idadaan,
sinong makapaghahabla sa kanya?
20 Kahit na akoʼy walang kasalanan,
hahatulan ako ng mga salitang
aking tinuran.
Kahit wala akong ginawang mali,
isasakdal pa rin ako nito.
21 "Kahit na wala akong kapintasan,
wala na itong halaga sa akin ngayon.
Kinamumuhian ko na ang aking buhay.
22 Pareho lang naman ang kapalaran
ng matuwid at masama.
Lahat sila ay mamamatay.
23 Kapag biglang namatay
sa kalamidad ang matuwid,
natatawa lang siya.
24 Ipinagkatiwala niya ang mundo
sa masasamâ.
Tinatakpan niya ang mata
ng mga hukom
upang hindi sila humatol ng tama.
Kung hindi siya
ang gumagawa nito,
sino pa kaya?
25 "Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko;
mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo.
Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan.
26 Dumadaan itong kasimbilis
ng isang bangkang gawa sa tambo
o ng agilang dumadagit ng pagkain.
27 Kahit tumigil na ako sa pagdaing
at pagdadalamhati
at akoʼy ngumiti na,
28 nananaig pa rin sa akin ang takot
sa mga paghihirap na maaaring
dumating sa akin.
Dahil alam kong hindi niya ako ituturing
na walang kasalanan.
29 Yaman din lamang
na itinuring na niya akong
may kasalanan,
wala nang halaga
na ipagtanggol ko pa
ang aking sarili.
30 Kahit hugasan ko pa ng sabon
ang aking buong katawan,
at lagyan ng pulbos na panlinis
ang aking mga kamay
31 ilulubog pa rin niya ako
sa maputik na hukay,
upang kahit ang sarili kong damit
ay ikahiya ako.
32 "Hindi tao ang Diyos na katulad ko;
hindi ko siya kayang sagutin
o isakdal man sa hukuman.
33 Mayroon sanang mamagitan sa amin
upang pagkasunduin kaming dalawa,
34 at mapatigil sana niya
ang pagpalo ng Diyos sa akin,
upang hindi na ako matakot.
35 Kung magkagayoʼy
makakausap ko na ang Diyos
nang walang takot,
ngunit sa ngayon
hindi ko pa ito magagawa.