1 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama,
2 "Hindi dapat palampasin
itong mga sinabi mo.
Hindi mapapatunayan ng isang tao
na wala siyang kasalanan
sa pamamagitan lang
ng kanyang mga salita.
3 Sa tingin mo baʼy mapapatahimik kami
ng mga sinasabi mong walang saysay?
Akala mo baʼy hindi ka namin sasawayin
sa iyong panunuya?
4 Sinasabi mong tama
ang iyong paniniwala
at matuwid ka sa paningin ng Diyos.
5 Buksan sana ng Diyos ang kanyang bibig
at magsalita siya laban sa iyo,
6 at ilahad sa iyo ang mga lihim
ng karunungan,
sapagkat ang totoong karunungan
ay may dalawang panig.
Alamin mo ito: Kinalimutan na ng Diyos
ang ilan sa iyong mga kasalanan.
7 "Kaya mo bang unawain
ang lahat-lahat tungkol sa Diyos?
8,9 Mas mataas pa ito kaysa sa langit
at mas malalim pa kaysa sa lugar
ng mga patay.
Mas malawak pa ito kaysa sa mundo
at mas maluwang pa kaysa sa dagat.
Maihahambing mo kaya
ang karunungan mo sa kanya?
10 "Halimbawang dakpin ka ng Diyos,
iharap sa hukuman at ipakulong,
may makakapigil ba sa kanya?
11 Alam niya kung sino
ang mga mandaraya
at hindi lingid sa kanya
ang kanilang kasamaan.
12 Ang mangmang ay imposibleng maging marunong
gaya ng asnong-gubat
na imposibleng manganak ng tao.
13 "Job, kung magsisisi ka
at lalapit sa Diyos,
14 at tatalikuran ang iyong mga kasalanan,
at kung pati ang sambahayan mo
ay magsisisi sa kanilang kasalanan,
15 tiyak na hindi ka na mapapahiya,
tatatag ang iyong pamumuhay
at wala ka nang katatakutan.
16 Makakalimutan mo na rin
ang iyong paghihirap
na parang tubig na umagos lang at nawala.
17 At ang buhay moʼy magiging
mas maliwanag pa kaysa
sa sikat ng araw
sa katanghaliang tapat.
At ang dati mong buhay na madilim
ay magiging maliwanag
katulad ng umaga.
18 Mapapanatag ang buhay mo
dahil may bago kang pag-asa.
Iingatan ka ng Diyos at
makapagpapahinga ka
nang walang kinatatakutan.
19 Matutulog ka nang walang takot,
at marami ang hihingi ng tulong sa iyo.
20 Ngunit ang masasama
ay mabibigo at walang patutunguhan.
At ang tanging pag-asa nila
ay kamatayan."