Publicidade

Jó 17

1 "Malapit na akong mamatay;

parang malalagot na ang aking hininga.

Nakahanda na ang libingan para sa akin.

2 Napapaligiran ako ng mga mangungutya.

Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain.

3 O Diyos, tulungan nʼyo po ako na makalaya.

Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin.

4 Isinara nʼyo ang isipan

ng aking mga kaibigan

upang hindi sila makaunawa.

Kaya huwag ninyong payagang

magtagumpay sila sa kanilang

mga paratang sa akin.

5 Katulad sila ng taong nandadaya

sa kanyang mga kaibigan

upang magkapera,

at ito ang magiging dahilan

ng paghihirap ng kanyang mga anak.

6 "Ginawa akong katawa-tawa ng Diyos sa mga tao

at dinuraan pa nila ang mukha ko.

7 Nagdilim na ang paningin ko

dahil sa matinding kalungkutan;

halos butoʼt balat na ako,

at halos kasingnipis na ng anino.

8 Ang mga taong matuwid ay nagulat

sa nangyaring ito sa akin.

Ang mga walang salaʼy nagngitngit sa galit

dahil sa mga hindi makadiyos.

9 Ngunit ang matuwid

ay nananatili sa kanyang landas

at ang mga may malinis na kamay

ay lalo pang tatatag.

10 Ngunit hinahamon ko sila

na minsan pa nila akong siyasatin.

At tiyak na matutuklasan kong

wala kahit isa sa kanila

ang nakakaunawa.

11 Malapit nang matapos ang mga araw ko.

Bigo ang mga plano koʼt hinahangad.

12 Ngunit sinasabi ng iba

na baka sakaling maging mabuti rin

ang kalagayan ko sa hinaharap,

dahil sa kabila raw ng dilim

ay may liwanag.

13 Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa,

doon ito sa lugar ng mga patay

kung saan ako titira.

At nais ko nang ilagay ang higaan ko

sa madilim na lugar na iyon.

14 Ituturing kong ama ang libingan ko

at ang mga uod ang siya kong ina

at babaeng kapatid.

15 May pag-asa pa kaya ako?

Sinong makapagsasabi

na may pag-asa pa ako?

16 Kasama kong malilibing

ang pag-asa ko.

Magkakasama kami roon

sa ilalim ng lupa."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-19_11-20-24-