1 "Mabibingwit mo kaya ang Leviatan?
Matatalian mo kaya ang nguso niya ng lubid?
2 Matatalian mo ba ng lubid
ang ilong niya
o mailalagay mo kaya ang kawit
sa kanyang panga?
3 Makikiusap kaya itong lagi sa iyo
na siyaʼy iyong pakawalan,
o di kayaʼy humiling
na iyong kahabagan?
4 Makikipagkasundo kaya siya sa iyo
na magpaalipin habambuhay?
5 Kaya mo ba siyang gawing alagang ibon,
o di kayaʼy itali
para sa iyong mga anak na babae?
6 May negosyante kayang bibili sa kanya
at hihiwa-hiwain siya upang ipagbili?
7 Kaya mo bang punuin ng matutulis
na sibat ang kanyang balat,
o ʼdi kayaʼy bingwitin ang kanyang ulo
ng pamingwit ng isda?
8 Kapag hinawakan mo siya,
maaalala mo kung gaano ito
kahirap hulihin
at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit.
9 Walang saysay ang mga pagsisikap
na hulihin siya,
dahil makita mo pa lang siyaʼy
maduduwag ka na.
10 Kung sa kanya ngaʼy
walang mangangahas gumambala,
sino pa kayang mangangahas
na lumaban sa akin?
11 Sino ang makapagsasabing
may utang na loob ako sa kanya?
Ang lahat dito sa mundo ay akin.
12 "Sasabihin ko pa sa iyo
ang tungkol sa katawan ng Leviatan
at kung gaano siya kalakas
at kamakapangyarihan.
13 Sinong makakatuklap ng kanyang balat
o makakatusok nito?
14 Sino ang makakapagpabuka
ng kanyang bunganga?
Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot.
15 Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis
na parang kalasag na nakasalansan.
16 Masinsin ang pagkakadikit-dikit ng mga ito
na kahit hangin ay hindi makakalusot.
17 Mahigpit ang pagkakadugtong nila sa isaʼt isa,
Magkakadikit ang mga ito at hindi matutuklap.
18 Kapag bumabahing siya,
may lumalabas na parang kidlat
at ang kanyang mga mata
ay mapula na parang bukang-liwayway.
19 Apoy ang dumadaloy
mula sa kanyang bibig
at sumisiklab ang apoy na lumalabas
20 at umuusok ang ilong
na parang nagmumula sa kumukulong palayok
na may nagliliyab na panggatong.
21 Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling
dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bibig.
22 Nasa leeg ang kanyang lakas,
at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan.
23 Kahit ang kanyang mga laman
ay siksik at matitigas.
24 Ang puso niyaʼy kasintigas ng bato,
marahas at walang takot.
25 Kapag siyaʼy tumayo,
takot na takot pati
ang mga makapangyarihang tao;
binabalot sila ng kilabot.
26 Walang espada, sibat, pana,
o palasong makakapanakit sa kanya.
27 Ang turing niya sa bakal ay dayami,
at sa tanso ay bulok na kahoy.
28 Hindi niya iniilagan
ang mga pana.
Ang mga batong
tumatama sa kanyaʼy
nagiging parang mga ipa lang.
29 Ang mga kahoy na ipinapalo
ay parang mga dayami lang sa kanya.
At pinagtatawanan lang niya
ang mga humahagibis na sibat
na inihahagis sa kanya.
30 Ang kanyang tiyan
ay may matatalim na kaliskis,
na parang mga basag na bote.
Kaya kapag gumagapang siya sa putik,
nag-iiwan siya ng mga bakas sa giikan.
31 Kinakalawkaw niya ang dagat
hanggang bumula na
parang kumukulong tubig sa palayok
o kumukulong langis sa kaldero.
32 Ang tubig na kanyang dinadaanan
ay bumubula,
parang puting buhok kung tingnan.
33 Wala siyang katulad dito sa mundo.
Isa siyang nilalang
na walang kinatatakutan.
34 Minamaliit niya ang lahat
ng mayayabang na hayop.
Siya ang hari ng lahat
ng mababangis na hayop sa gubat."