1 Pagkatapos, sinabi ni Job,
2 "Hanggang ngayoʼy labis pa rin
ang hinaing ko.
Pinahihirapan pa rin ako ng Diyos
sa kabila ng labis kong pagdaing.
3 Kung alam ko lang
kung saan ko siya hahanapin;
kung makakapunta lang sana ako
sa kinaroroonan niya,
4 sasabihin ko sa kanya ang aking kaso
at ilalahad ang aking katuwiran.
5 Gusto kong malaman
kung ano ang isasagot niya sa akin
at gusto ko ring maintindihan
ang sasabihin niya.
6 Makikipagtalo kaya siya sa akin
gamit ang kapangyarihan niya?
Hindi! Hindi niya iyon gagawin,
kundi pakikinggan niya ako.
7 Ang taong matuwid na tulad ko
ay maaaring mangatuwiran
sa harap ng aking hukom,
at palalayain niya ako nang lubusan.
8 "Akoʼy pumunta sa silangan,
ngunit wala siya roon;
pumunta ako sa kanluran,
ngunit hindi ko siya makita.
9 Hindi ko siya natagpuan sa hilaga,
sapagkat siyaʼy nakakubli.
Hinanap ko siya sa timog,
ngunit siyaʼy natatakpan.
10 Ngunit alam niya
ang aking ginagawa.
Pagkatapos niya akong subukan,
makikita niyang malinis ako
tulad ng purong ginto.
11 Sinunod ko ang kanyang
mga hakbang;
hindi ko ito sinuway.
12 Sinusunod ko ang kanyang mga utos,
at iniingatan ko ito sa aking puso.
Pinahahalagahan ko ang mga salita niya
nang higit pa sa pang-araw-araw
kong pagkain.
13 "Ngunit malaya ang Diyos
na gawin ang nais niyang gawin;
walang sinumang makahahadlang sa kanya.
14 Kaya gagawin niya
ang binabalak niyang gawin sa akin,
at marami pa siyang planong
gagawin sa akin.
15 Kaya natatakot ako sa kanya.
At kapag iniisip ko ito,
lalo akong natatakot.
16 Pinahihina ng Diyos ang aking puso,
tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17 Ngunit hindi ako mananahimik
kahit na akoʼy pinapalibutan ng kadiliman,
kahit na akoʼy binabalot ng karimlan.