Publicidade

Jó 28

Kung Saan Matatagpuan ang Karunungan

1 May mga minahan kung saan

matatagpuan ang pilak

at may mga lugar kung saan

dinadalisay ang ginto.

2 Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa,

at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato.

3 Gumagamit ng ilaw ang mga tao

upang madaig nila ang kadiliman

sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa.

4 Humuhukay sila ng daanan sa minahan,

sa dakong walang taong nakatira at dumadaan.

Bumababa sila sa pamamagitan

ng mga nakalaylay na lubid.

5 Ang ibabaw ng lupa

ay tinutubuan ng pagkain,

ngunit ang ilalim nitoʼy

tinutunaw ng apoy.

6 Ang mga bato doon ay may mga safiro

at ang mga alikabok ay may ginto.

7 Ang mga daan patungo roon

ay hindi makita ng mga ibon,

kahit ng ibong mandaragit.

8 Hindi rin ito nadaanan

ng mga mababangis na hayop o ng leon.

9 Hinuhukay ng mga tao

kahit na ang pinakamatigas na bato

sa ilalim ng bundok.

10 Hinuhukay nila ang bundok

upang hanapin ang ibaʼt ibang uri

ng mamahaling bato.

11 Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog.

12 Ngunit saan nga ba matatagpuan

ang karunungan at pang-unawa?

13 Hindi alam ng tao

kung saan ito matatagpuan.

Hindi ito matatagpuan dito sa lupa.

14 Hindi rin ito matatagpuan

sa kailaliman ng dagat.

15 Hindi rin ito nabibili

ng purong ginto o pilak.

16 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan

ng ginto mula sa Ofir

o ng alinmang mamahaling bato

gaya ng onise o safiro.

17 Higit pa ito sa ginto o kristal.

Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas.

18 Ang koral at haspe

ay walang sinabi,

ang halaga ng karunungan

ay higit pa kaysa rubi.

19 Hindi ito mapapantayan

ng mamahaling batong topaz

na mula sa Etiopia

at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20 Saan ba nagmumula

ang karunungan?

Saan ang tahanan ng kaunawaan?

21 Walang nilalang na makakakita nito

kahit sa mga ibon.

22 Kahit na ang lugar ng kapahamakan

na siyang lugar ng mga patay,

sabi-sabi lang ang kanilang nalaman

tungkol dito.

23 Diyos lang ang nakakaalam

kung saan matatagpuan ang karunungan.

24 Sapagkat nakikita niya

kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo

at ang lahat ng nasa ilalim ng langit.

25 Noong pinalakas niya ang hangin,

at sinukat kung gaano karaming ulan

ang dapat bumuhos,

26 itinakda na niya kung saan ito papatak,

at kung saan tatama ang kulog at kidlat.

27 Sa ganito niya ipinakita ang karunungan

at kahalagahan ng mga ito.

Nasubukan na niya ito at napatunayan.

28 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao,

"Ang pagkatakot sa Panginoon

at ang paglayo sa kasamaan

ay siyang karunungan at pagkaunawa."

Veja também

Publicidade
Bíblia Online Bíblia Online

Bíblia Online • Versão: 2026-06-22_10-02-25-