Inihandog si Hesus sa Templo
22 Nang dumating na ang araw ng seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa babaeng nanganak, pumunta sina Jose at Maria sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon."2:23 Exo. 13:2, 12. 24 At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: "isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati."2:24 Lev. 12:8.
25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Diyos, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Hinihintay niya ang pagdating ng Mesias na magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Espiritu ay pumunta siya sa Templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose ang sanggol na si Hesus para ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, 28 kinarga ito ni Simeon at nagpuri sa Diyos. Sinabi niya:
29 "Ngayon, Panginoon, maaari na po
akong pumanaw nang payapa
dahil natupad na ang pangako nʼyo
sa akin na inyong lingkod.
30 Dahil nakita na ng aking mga mata ang Tagapagligtas,
31 na inihanda ninyo sa harapan ng lahat ng tao.
32 Siya ang ilaw na magbibigay-liwanag
sa isipan ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa inyo,
at magbibigay-dangal sa inyong bayang Israel."
33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa mga sinabi ni Simeon tungkol sa kanilang anak. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, "Tandaan mo: Itinalaga ang batang ito para ibagsak o iligtas ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Diyos, ngunit marami ang magsasalita laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao."
36 Naroon din sa ang isang babaeng propeta na matandang-matanda na. Siya si Ana na anak ni Fanuel at mula sa lahi ni Asher. Namatay ang kanyang asawa noong pitong taon pa lamang silang kasal. 37 At namuhay siyang isang biyuda hanggang sa edad na walumpuʼt apat. Araw-gabi siyang nasa Templo na sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Noong oras ding iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay ng pagliligtas ng Diyos sa Jerusalem.